ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023
Biyaheng Malaysia sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Hulyo 25 o isang araw matapos ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Teresita Daza na inimbitahan nina King Sultan Abdullah at Prime Minister Anwar Ibrahim si Pangulong Marcos para sa isang state visit sa Hulyo 25 hanggang 27.
Ayon kay Daza, magkakaroon ng audience ang Pangulo sa ika-16 na King of Malaysia.
Ito ay susundan ng pakikipagpulong kay Prime Minister Ibrahim para talakayin ang pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga pag-uusapan ang tungkol sa agrikultura, turismo, food security, digital economy at people-to-people exchanges.
Magkakaroon din aniya ng bagong pag-uusapan ang dalawang lider, ito ay patungkol sa Halal industry at Islamic Banking.
Kasama ng Pangulo sa Malaysia ang kalihim ng Department of Foreign Affairs at ang economic team.
Inihayag ni Daza na kasama rin ng Pangulo ang ilang malalaking negosyante sa bansa para mapalakas pa ang bilateral trade at investment.
Hindi naman kasi aniya maikakaila na ang Malaysia ay nasa top 10 trading partner ng Pilipinas at top 22 na source of investment.
Dagdag pa ni Daza, hindi rin maiwasan na maaaring idiga ng Pangulo sa mga negosyante ang Maharlika Investment Fund na nilagdaan kamakailan lamang.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa Filipino community.
Ayon pa kay Daza, ilalatag ng Pangulo sa harap ng mga OFW ang mga programa na ginagawa ng Punong Ehekutibo para sa mga migrant workers.
Nasa 100,000 ang Pinoy na nasa Malaysia.
Hindi naman matukoy ni Daza kung tatalakayin nina Pangulong Marcos at Prime Minister Ibrahim ang usapin sa teritoryo ng Sabbah.
Sinabi pa ni Daza na napapanahon ang pagtungo ni Pangulong Marcos sa Malaysia dahil ipagdiriwang ang ika-60 anibersaryo ng pagtatag ng diplomatic ties ng dalawang bansa.
Ito na ang ika-14 na foreign trips ni Pangulong Marcos mula nang maupo sa puwesto.
Kabilang sa mga biyahe ng Pangulo ang dalawang beses na pagtungo sa Singapore, New York, Cambodia, Thailand, Belgium, Switzerland, Japan, Washington, London at dalawang beses na pagtungo sa Indonesia.
Comments