ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 15, 2024
TAWANAN SA SOCMED ANG MGA NETIZENS NANG SABIHIN NI PANELO ANG ‘ROBIN PADILLA FOR PRESIDENT’ SA 2028 -- Nagpalabas ng statement si former Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na kapag in-impeach o ipinakulong daw si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay si Sen. Robin Padilla raw ang gagawing pambato ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa 2028 presidential election.
Libu-libong netizens sa social media ang nag-“ha-ha-ha” reactions sa sinabing iyan ni Panelo, kasi nagmistula siyang komedyante sa statement niyang ‘yan na “Robin Padilla for President” sa 2028 presidential election, he-he-he!
XXX
TAMA ANG DESISYON NI VP SARA NA HUWAG TAKASAN ANG MGA KASONG ISASAMPA SA KANYA -- Ayon kay VP Sara, hindi raw siya lalabas ng bansa para takasan ang napipintong impeachment case at mga kasong kriminal na posibleng isampa sa kanya ng Marcos administration.
Aba’y dapat lang na huwag niya itong takasan, kasi kapag hindi niya hinarap ang impeachment case at mga kasong kriminal na isasampa sa kanya at nagtago siya ay tiyak maglulundag sa tuwa ang mga anti-Duterte politician dahil iyan naman talaga ang gusto nila, ang mawala siya (VP Sara) sa poder bilang bise presidente ng ‘Pinas, period!
XXX
BASTA’T POOR AT ‘DI SIKAT NA KANDIDATO REJECT SA COMELEC -- Kinumpirma ng Comelec na pinal na silang nagdesisyon na 66 senatorial candidates lang ang pinayagan nilang kumandidato at tuluyan na nilang ibinasura ang kandidatura ng 117 pang senatorial aspirants, na ayon sa kanila ay mga nuisance candidate ang mga ito.
Para sa kaalaman ng publiko, sa 117 senatorial aspirants na ito na inalis ng Comelec sa listahan ng mga kandidato ay 18 sa mga iyan ay nag-file ng motion for reconsideration na payagan silang kumandidato, pero ni-reject pa rin sila ng komisyon sa kadahilang sila ay mga poor at hindi mga sikat.
Iyan ang bad sa Comelec, basta’t poor at ‘di sikat ang kandidato, reject sa komisyon, tsk!
XXX
PARA MATIGIL ANG PAGGAWA NG MGA PEKENG PWD IDs, DAPAT LANSAGIN ANG SINDIKATONG GUMAGAWA NG MGA PEKENG ID SA QUIAPO, MANILA -- Magsasagawa ng crackdown ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga gumagamit ng mga pekeng person with disability (PWD) identification cards (IDs) para makakuha ng diskwento at makalibre sa value-added tax (VAT).
Sana ang unang aksyon na gawin ng BIR ay makipag-ugnayan sa Manila Police District (MPD) Director, Brig. Gen. Thomas Ibay para hulihin, kasuhan at ikulong ang mga sindikato na gumagawa ng iba’t ibang uri ng mga IDs sa Quiapo, Manila kasi hangga’t hindi nalalansag ito ay patuloy na dadami ang magtataglay ng mga pekeng PWD ID, period!
Commenti