ni Zel Fernandez | May 13, 2022
Kasabay ng napipintong pagkahalal ng nangunguna sa bilangan sa pagka-senador na si Robin Padilla, kinuha nito si Atty. Salvador Panelo na maging legislative assistant, adviser, at mentor sa oras na maupo na ang aktor-pulitiko sa Senado.
Sa Facebook post ni Padilla, aminado itong hindi magiging madali ang pagpapalit ng Saligang Batas kaya kailangan umano niya ng pambato sa usapin ng batas.
Pahayag ni Padilla, "Bismillah. Kailangan ko ng pambato sa usapin ng batas pagdating sa senado. Ang pagpapalit ng saligang batas ay hindi magiging madali sapagkat ang babanggain nito ay ang kasalukuyang naghaharing mga oligarko nakakubli sa 1987 constitution. Hindi man kami nagtagumpay ni idol Salvador Panelo na maging magkasama sa senado, isa lang ang sinigurado namin dalawa: Walang mababago sa aming adhikaing pagbabago. Walang makakapigil sa rebolusyon”.
Karugtong ng naturang post ay, “Si SALVADOR PANELO ang aking legislative consultant, adviser at mentor. Walang tatalo kay sal panalo panelo! Mabuhay ang parliamentaryo. Mabuhay ang Federalismo. Mabuhay ang PDP laban. Mabuhay ang Pilipino. Mabuhay ang inangbayan Pilipinas".
Agad namang tumugon si Panelo sa naturang Facebook post ni Padilla at nagpahayag ng pagtanggap sa alok ng mauupong senador na maging katuwang nito sa pagsusulong ng mga adhikain at iba pang plataporma sa Senado.
Ani Panelo sa kanyang FB comment, “Maraming salamat Sen. Robin Padilla! Isang karangalan na patuloy na maglingkod sa bayan bilang katuwang mo na pinagkatiwalaan ng 26 milyong Pilipino! Makaasa ka na ibubuhos ko ang aking sarili para tulungan kang palitan ang Saligang Batas para wakasan na ang bulok na sistema na bumibilanggo sa ating bansa."
“Marami ding salamat sa pangako mo na pagsulong sa mga panukalang batas para sa children with special needs/ disabilities. Dahil dyan ay parang nanalo na din ako!” pagtatapos ni Panelo.
Samantala, nauna nang nabanggit ni Binoe sa mga naging panayam sa kanya na isa sa mga platapormang nais nitong isulong kapag ganap nang senador ay ang Federalismo.
Yorumlar