ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 01, 2021
Patuloy tayong nagseserbisyo at tumutulong sa mga nangangailangan dahil ito ang pangako natin sa taumbayan. Kahit ano’ng putik ang itapon sa amin, hindi matitinag ang aming paniniwala na gawin ang tama at ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang problema sa pulitika sa atin, kaysa serbisyo at pagtulong sa tao ang atupagin, puro black propaganda at fake news ang ibinabato ng mga walang magawa sa buhay o ‘yung mga may pansariling interes na gusto lamang magpasikat.
Sa Blue Ribbon Committee hearing sa Senado noong Biyernes, muli nating sinagot ang mga pilit na nagdidikit ng atking pangalan sa mga indibidwal na iniimbestigahan natin. Hindi natin maintindihan na imbes tingnan ang ebidensiya at patunayang may anomalya, mas binibigyang-diin pa ang koneksiyon ng mga ito sa atin na wala namang katotohanan.
Inuulit natin, hindi natin siya naging aide kailanman. Si Atty. Lloyd Lao, tulad ng iba pang mga opisyal at empleyado sa Malacañang, isa lang sa daan-daang kawani ng gobyerno na ating nakatrabaho noon. Irrelevant din naman ito dahil kahit saanman nanggaling, kahit sinuman ang nakatrabaho mo, kung may kasalanan ka ay panagutan mo.
Kaysa ipagpilitan ang gusto ninyong paniwalaan, mas mabuting pagsalitain ninyo ang mga ipinatawag sa hearing para maliwanagan ang sambayanang Pilipino. Katotohanan ang gustong marinig ng taumbayan, hindi ang bersiyon at interpretasyon ng iilan lamang na nais kulayan ng iba ang katotohanan.
Ito ang rason kaya tumindig tayo sa plenaryo kahapon para ihayag ang suspetsa ng marami sa nakapanood ng hearings noong nakaraang linggo.
Mapapaisip ka talaga dahil sa hearing ay sila na ang nagtatanong, sila ang nag-iimbestiga, sila rin ang sumasagot, sila na rin ang huhusga at gagawa ng konklusyon. Tapos kapag ang sagot ay hindi nakalinya sa kanilang interpretasyon, nagagalit sila. Parang may mali naman doon.
Ang testigo nga sa korte, binibigyan ng respeto ng hukom. Sa hearing na ito, parang nawawala ang respeto sa kapwa tao at pati na rin sa kapwa Senador. Kahit saang diskusyon, maging sa plenaryo, sa korte, o maging sa usapang kanto, alam natin kung hindi patas ang ating kausap. Pakiusap, huwag sana linlangin ang publiko.
Sa kabila ng mga pagpapaliwanag, mistulang sarado na ang isip ng iilan. Hindi ba, kapag may imbestigasyon ay dapat suriin muna ang impormasyon at ebidensya bago humusga?
May mga nagrereklamo rin kung bakit napakalapit natin sa Pangulo. Walang reklamo ang mga taong ito kapag ginagamit tayong tulay sa ating Pangulo. Pero kapag hindi ito pabor sa kanila, pinupuna nila. Nais nating linawin na ang pagiging malapit namin ng Pangulo at tiwala sa isa’t isa ay alam mismo ng taumbayan. Gayunman, kailanman ay hindi natin ito ginamit para sa pansariling interes.
Nasa public health emergency tayo ngayon. Pandemya ang kalaban natin at hindi ang isa’t isa. Panahon ito ng pagtutulungan at pakikipagbayanihan. Huwag nating sayangin ang oras sa siraan at sisihan.
Tulad ng sinabi ng Pangulo, kung may anomalya, kalokohan, overpricing o korapsyon, kasuhan na agad at ikulong! Pero mapapatunayan lang ‘yan kung magiging patas tayo at pahahalagahan natin kung ano ang totoo kaysa ang sarili nating gusto.
Aminado tayong, baguhan ang inyong lingko sa Senado. Mataas ang pagtingin natin sa ating mga kasamahan. Pero hindi puwedeng magmamaang-maangan at tatahimik na lang kung tingin natin ay may maling nangyayari.
Isa sa pangunahing pangako ng Pangulo ay ang kampanya kontra ilegal na droga, kriminalidad, at korupsiyon. At kasama niya tayo sa laban. Wala tayong pinipili. Kung nagkamali, panagutin! Aminado tayong mahirap sugpuin ang korupsiyon sa gobyerno pero hindi tayo sumusuko. Malilinis lang natin ang hanay kung katotohanan at kapakanan ng bayan ang isasaalang-alang.
Probinsiyano lang kami ni Pangulong Duterte, na ginagawa ang lahat ng aming makakaya upang tuparin ang ipinangako sa taumbayan. Malinis ang aming hangarin. Pangalan at prinsipyo lang ang pinanghahawakan namin dito kaya hindi namin ito sisirain. At hindi rin kami papayag na sirain kami ng ibang tao na ang ipinaglalaban ay ang kanilang pansariling hangarin.
Kaya sa panahon ngayon ng krisis at pandemya, buong tapang nating lalabanan ang mga naninira, nangsasamantala at nakikinabang sa maling paraan. Pero buong puso rin tayong nagmamalasakit at nagseserbisyo sa mga nangangailangan, inaapi at hindi binibigyan ng patas na pagdinig. Tapang at malasakit. Prinsipyo at pagseserbisyo. ‘Yan ang mga pinanghahawakan ko sa labang ‘to!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios