ni Chit Luna @Brand Zone | April 1, 2023
Inuudyok ang Bureau of Immigration (BI) na ideklarang persona non grata ang isang mataas na opisyal ng World Health Organization (WHO) dahil sa umano’y pangmamaliit nito sa mga Pilipino.
Ayon kay dating Deputy Speaker Deogracias Victor “DV” Savellano, na kumatawan sa Unang Distrito ng Ilocos Sur noong ika-18 Kongreso, dapat ipagtanggol at proteksyunan ng gobyerno ang dignidad ng mga Pilipino laban sa pangmamaliit ng ibang tao.
Sinabi ni Savellano na hindi na dapat papasukin sa bansa si Dr. Takeshi Kasai, regional director ng WHO sa Western Pacific, dahil sa pang-iinsulto niya sa mga Pilipino.
Nanawagan si Savellano sa BI na ideklara si Dr. Kasai na persona non grata alinsunod sa 1961 Vienna Convention for Diplomatic Relations. Ang pagdeklara sa isang dayuhan na persona non grata ay magbabawal sa kanya na makapasok uli sa bansa.
Nakabase sa Maynila si Dr. Kasai bago siya tinanggal sa puwesto makaraang pagbintangan siya ng kanyang mga tauhan ng pagmamalabis at pangmamaliit sa mga Pilipino at ibang lahi sa Asia-Pacific.
Ang panghahamak ni Dr. Kasai sa mga Pilipino at ibang lahi ay sampal sa WHO, lalo pa’t nakuwestiyon na ang kakayanan ng internasyonal na ahensiya na tumugon sa pandemya, ayon kay Savellano.
Sa harap ng madaming sumbong ng pagmamalabis at sexual abuse laban sa mga opisyal ng WHO, si Dr. Kasai pa lamang ang unang mataas na pinuno ng ahensiya na tinanggal sa puwesto.
Sinabi pa ni Savellano na si Dr. Kasai ay kinatawan ng isang ahensiya na nangangakong gumawa ng mabuti para sa lahat, subalit sa katotohanan ay nagsisilbi lamang sa interest ng iilan.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ukol dito si Dr. Lorenzo Mata, presidente ng Quit for Good, isang grupo na nagsusulong sa konsepto ng tobacco harm reduction (THR) o paggamit ng mga alternatibong produkto sa sigarilyo upang bawasan ang pinsalang dulot ng usok mula sa pagsunog ng tabako.
Nangangamba si Dr. Mata na ang kawalan ng pananagutan at pagkakaroon ng diskriminasyon sa hanay ng mga opisyal ng WHO ay susulpot muli sa pulong ng Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) sa ika-10 Conference of the Parties (COP) sa Nobyembre 2023.
Ang FCTC ay isang internasyonal na kasunduan sa ilalim ng WHO at pinamamahalaan ng COP na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas.
“We don’t want a bunch of racist bureaucrats discriminating against marginalized Filipino farmers and poor Filipino smokers who will be deprived of better alternatives,” ayon kay Dr. Mata.
Partikular na pinuna ni Dr. Mata ang papalit-palit na paninindigan ng WHO sa mga alternatibo katulad ng e-cigarettes o vapes at heated tobacco products.
Matatandaang sinabi ng mga opisyal ng WHO na parehas ang pinsalang dulot ng sigarilyo at e-cigarettes dalawang taon ang nakalipas, subalit biglang kumambyo sila at umaming mas maliit ang panganib mula sa e-cigarettes.
Ang pagtanggal sa puwesto ni Dr. Kasai ay kasunod ng imbestigasyon ng Associated Press na nagbunyag sa mga dokumento at recording ng mga mapanglait na salita na binitawan niya laban sa kanyang mga tauhan base sa kanilang lahi at kalagayan sa
buhay.
Sinabi rin umano ni Dr. Kasai na may kakulangan ang mga edukadong tao sa Pacific. Ito ang dahilan kung bakit 55 opisyal at tauhan ng WHO ang nagbitiw sa puwesto, na nakaapekto sa pagtugon ng ahensiya sa pandemya sa rehiyon.
Comments