ni Zel Fernandez | May 11, 2022
Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na simulan na ang paglilinis at pagkalas sa mga election-related paraphernalia, makaraan ang pangangampanya ng mga kandidato nitong 2022 National and Local Elections.
Pahayag ng MMDA, dapat nang baklasin ang mga nakadikit o nakasabit na election posters, tarpaulin at iba pang ginamit sa kampanya at itapon na ang mga ito sa tamang basurahan.
Anila, hindi tamang itapon ang mga basura ng pangangampanya kung saan-saan lamang dahil ito ay magdudulot ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig at pagkakaroon ng polusyon.
Giit ng ahensiya, ang pagsuporta sa mga ibinotong kandidato ay dapat tumbasan o higitan ng taumbayan ng pagpapakikita ng pagmamahal at malasakit sa kalikasan.
Gayundin, mahalaga umanong pairalin ng bawat isa ang tunay na disiplina magmula sa sarili, na maipapakita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng inisyatibong linisin ang kapaligiran, lalo sa kani-kanyang nasasakupan.
Comments