ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Sep. 25, 2024
Hindi mahulugang karayom ang tinatayang nasa 1.5 milyong deboto na dumalo sa naganap na Peñafrancia Festival noong nakaraang Setyembre 2. Naroon kasi tayo para sa taun-taon nating panata sa isinagawang traslasyon na bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ng Naga City.
Sa kabila ng ating iniindang injury sa Achilles tendon, mapalad tayong muli ay nabigyan ng pagkakataong madalaw at mahawakan ang Our Lady of Peñafrancia. Mula’t sapul nga bago pa man tayo pumalaot sa paglilingkod-bayan ay kinalakhan kong maging deboto sa Mahal na Ina dahil sa aking nanay.
Ang siyam na araw na novena ay sinimulan noong Setyembre 13, 2024 at nagtapos noong Setyembre 21 kung saan tayo dumalo, kasabay ng paggunita sa ika-100 taon ng canonical coronation ng imahe ng Nuestra Señora de Peñafrancia.
Ang tema ng naturang pagdiriwang ay tinawag na ‘Se Siempre La Reina, Pamanang Banal: Atamanon: Padanayon: Palakupon’ o ang ‘Be Always the Queen, Nourish, Preserve and Share our divine inheritance’.
Mula Manila ay dumating kami ng Naga City bandang alas-8 ng umaga, dito ay sinalubong kami ni Naga Mayor Nelson Legacion at Pili Mayor Thomas Bangalonta Jr. at agad kaming sinamahan sa Naga Cathedral at nakipagkita kami kay Monsignor Zosimo Ma. Sañado bago nagsimula ang dinaluhan naming misa.
Ganap na alas-10:45 ng umaga ay binisita naman namin ang City College of Naga at naging mainit ang pagtanggap sa atin ng mga estudyante at mga guro na hindi magkamayaw sa pagyakap sa atin at halos lahat ay nais magpakuha ng litrato na atin namang pinagbigyan.
Kasunod nito ay pinaunlakan naman natin ang mga nagsidalong media na nais tayong kapanayamin sa naturang selebrasyon.
Walang halong pulitika ang pagbisita natin sa Naga dahil bahagi lang talaga ito ng ating debosyon sa Nuestra Señora de Peñafrancia. Sa taun-taon nating pamamanata ay naging matalik nga nating kaibigan ang nasirang mayor ng Naga na si dati ring DILG Secretary Jesse Robredo, na taun-taon din tayong pinatutuloy sa kanilang tahanan para mananghalian.
Kaya’t sa pagpapatuloy ng ating nakasanayan, bandang alas-12 ng tanghali ay tumuloy tayo at pinaunlakan ang inihandang tanghalian ni dating Bise Presidente Leni Robredo sa kanilang tahanan.
Makaraan ang tanghalian, tumuloy tayo sa iba pang mga pagpupulong, at meeting ng iba nating mga kaibigan at supporter sa Bicol hanggang sa tayo’y lumisan pabalik ng Maynila na punung-puno ng pag-asa dahil naisakatuparan ang ating panata na nakatakda nating ulitin next year.
Hinding-hindi ko matatalikuran ang Our Lady of Peñafrancia na palaging kong tinatakbuhan sa panahon ng aking mga pagsubok sa buhay na ilang ulit ko nang napatunayan na hindi niya ako pinababayaan, gayundin na pasalamatan sa kanyang mga biyaya.
Nakayanan ko ang isa sa pinakamabigat na pagsubok sa aking buhay nang sampahan ako ng imbentong kaso at pansamantala akong napiit sa PNP Custodial sa Camp Crame sa loob ng mahigit apat na taon.
Wala akong kasama sa loob ng piitan kundi ang imahe ng Our Lady of Peñafrancia. At hindi ako nagkamali dahil makaraan ang mahigit apat na taon ay napawalang sala ako ng Sandiganbayan dahil napatunayang hindi totoo ang mga bintang sa akin.
Bukod sa dininig ang aking panalangin ay tinulungan niya akong makayanan ang aking sitwasyon sa piitan hanggang sa ako ay makalaya at muli ay nahalal akong senador -- patunay na walang naniwala sa ibinintang sa akin.
Kaya heto at buong puso kong tinutupad ang aking panata bilang pasasalamat sa himalang ginawa niya sa aking buhay.
Nais ko ring pasalamatan si Mayor Legacion na hindi tayo iniwan sa buong panahon ng pananatili natin sa Naga City para dumalo sa paggunita sa Our Lady of Peñafrancia.
Maraming salamat sa lahat ng mga taga-Naga. Magkita-kita uli tayo sa susunod na taon at sa marami pang mga taon dahil tulad ninyo ay sa kanya rin ako humuhugot ng lakas sa buhay. Kaya happy fiesta uli sa Naga City — ang puso ng buong Bicolandia.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments