top of page
Search
BULGAR

Pananambang kay marlou opinaldo, ‘di pa rin nakakamit ang hustisya

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 4, 2023



Napakalaking responsibilidad ang wastong pagtukoy ng salarin sa isang krimen.


Atin isipin ang kaluluwa ng mga yumao ay walang kapanatagan sa kanilang kinalalagyan habang hindi naigagawad ang hustisya na nararapat para sa kanila.


Halimbawa na rito ang mga namatay na biktima sa pananambang na may mga kaso rin at sa katunayan ay nakulong kaugnay sa nasabing pananambang, ngunit napatunayang wala palang kasalanan ang nagdusa sa kulungan.


Isa sa mga kasong ito ay ang kinasangkutan nina alyas “A” at “B”, mga kliyente ng Public Attorney’s Office (PAO), ang People of the Philippines vs. “A” and “B” (CA G.R. CR-HC No. 15479, June 19, 2023, Ponente: Honorable Court of Appeals Associate Justice Mary Charlene V. Hernandez-Azura [13th Division]).


Sa tulong ng PAO sina “A” at “B” ay napawalang-sala sa krimen na murder, ngunit sa kasamaang palad, si Marlou Opinaldo, ang biktimang napaslang sa kasong ito ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya. Tunghayan natin sa artikulong ito ang kuwento ng kaso nina “A” at “B”.


Ang konkreto at positibong pagkilala sa salarin ay napakahalaga upang mapanagot ang totoong gumawa ng krimen at upang lubusang makamit ng biktima ang hustisya na para sa kanya.


Setyembre 8, 2011, alas 7:00 ng umaga sa Munisipalidad ng Luna, Probinsya ng La Union, walang-awang pinagbabaril si Marlou Opinaldo. Ang mga tama na natamo ni Marlou ang kalauna’y kumitil sa kanyang buhay.


Batay sa bersyon ng prosekusyon, noong umagang iyon ay inihatid ni Opinaldo ang kanyang tatlong anak sa paaralan lulan ng kanilang sasakyan. Bumaba si Marlou at nang kanyang kunin ang bag ng isa niyang anak ay bigla na lamang siyang tinambangan ng dalawang lalaki. Sa ibinigay na testimonya ng mga testigo para kay Opinaldo, pangunahin ang kanyang dalawang anak, ang itinurong mga salarin ay sina “A” at “B”.


Kapwa namang itinanggi ng mga akusado ang mga paratang laban sa kanila. Ayon kay “A”, siya ay nasa kanilang bahay noong oras ng nasabing krimen kasama ang kanyang maybahay, at ang kanyang bayaw. Paliwanag niya, noong panahon na iyon ay hindi pa siya nakakalakad dahil sa kanyang dalawang operasyon.


Wala pang tatlong buwan bago ang naturang insidente ng pamamaril kay Opinaldo. Batay sa kanya, idinamay lamang siya sa naturang pagpaslang dahil sa naunang pagkakaaresto sa kanya kaugnay sa illegal possession of firearm.


Samantala, ayon naman kay “B”, siya ay naglilinis ng kanilang bakuran noong oras ng naturang krimen at siya ay nakita pa ng kanyang kapitbahay, hipag at pamangkin. Mariin niyang iginiit na hindi siya umalis ng bahay noong araw na iyon, at hindi niya umano kilala ang biktima, katulad kay “A” dinamay lang umano siya dahil kabilang ang kanyang pangalan sa listahan ng mayroong kaso kaugnay sa illegal possession of firearm.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court (RTC), hinatulan ng reclusion perpetua without eligibility of parole sina “A” at “B” at sila ay pinagbabayad ng danyos.


Agad nilang inapila ang naturang desisyon at iginiit na hindi sila ang gumawa ng krimen na ibinibintang sa kanila. Hindi umano sapat ang ebidensya ng prosekusyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga salarin. Mayroon daw makatuwirang pag-aalinlangan o reasonable doubt na sila ang totoong pumaslang kay Opinaldo, sapagkat sa testimonya ng mga saksi ay hindi nila napatunayan ng lubusan ang mga bumaril.


Sa masusing pag-aaral sa kanilang apila, kinatigan ng Court of Appeals (CA) sina “A” at “B”.


Ayon sa CA, hindi naalis ang pag-aalinlangan sa isipan ng hukuman kaugnay sa partisipasyon ng mga akusado sa krimen. Una, sa testimonya ng isa sa mga anak ng biktima ay kwestyunable ang pagkilala nito sa mga bumaril. Bagamat nakita niyang binaril, bumulagta, lumabas ang mga dugo at bala sa mata ng kanyang ama ay limitado naman ang kanyang tanaw sa mga pumaslang dahil sila ay naharangan ng pinto ng sasakyan na noon ay nakabukas at pumagitan kay Marlou at sa mga salarin. Hindi rin niya nailarawan kung ano ang suot na helmet ng mga bumaril. Mayroon ding agam-agam ang hukuman sa testimonya ng isa pang anak ng pumanaw kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga bumaril dahil sa kanyang salaysay ay hindi rin niya lubos na natanaw ang mukha ng mga bumaril. Hindi rin siya nakapagbigay ng positibong paglalarawan sa itsura ng mga ito.


Nagbigay ng karagdagang pagdududa sa hukuman ang ilang araw na lumipas bago kunin ang testimonya ng mga anak ng pumanaw. Nakita rin ng hukuman na hindi sumunod sa pamamaraan ng out-of-court identification ang mga imbestigador mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at naimpluwensyahan nila ang mga testigo sa pagtuturo kina “A” at “B” bilang mga salarin.


Sapagkat hindi lubusang napatunayan na positibong nakilala ng mga testigo ng prosekusyon ang mga tunay na bumaril kay Marlou at dahil wala nang iba pang ebidensya na maaaring magturo kina “A” at “B” bilang mga salarin, sila ay napawalang-sala sa krimen na murder.


Kung sino man ang mga totoong bumaril kay Marlou Opinaldo at kung nasaan man sila, sana ay harapin na nila ang krimen na ginawa nila upang makamit na ng pumanaw na biktima ang hustisya na nararapat sa kanya at katahimikan na rin ng loob para sa naiwan niyang pamilya.


Katulad ng mga kaanak ng biktimang si Marlou, hangad din ng aming tanggapan na madala sa hustisya ang mga totoong salarin. Ito ay ang ikakatahimik din ng kaluluwa ng kawawang biktima na ang tanging daing mula sa kanyang hukay ay maparusahan ang taong totoong kumitil ng kanyang buhay.






0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page