ni Ryan Sison - @Boses | June 25, 2021
Sa kabila ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang sinumang hindi magpapabakuna kontra COVID-19, tiniyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na walang panghuhuli na magaganap.
Ayon sa PNP chief, nakipag-ugnayan na siya kay Justice Secretary Menardo Guevarra kung saan sinabi umano ng kalihim na walang batas na gagamiting batayan sa pag-aresto sa mga ayaw magpabakuna.
Gayunman, naniniwala ang opisyal na hindi kailangang pilitin ang mga ayaw magpabakuna dahil marami na ang kumbinsido na makatutulong ito bilang panlaban sa COVID-19.
Kung tutuusin, may punto ang PNP chief dahil kamakailan, makikitang pinipilahan na ang vaccination sites, gayundin, maraming nagbabakasakaling maturukan kapag nag-walk-in.
Samantala, sa halip na pagbantaan at takutin nang takutin ang taumbayan, mas maiging himukin sa mas magandang paraan ang publiko na magpabakuna.
Kung gusto talaga nating maturukan ang lahat, napakaraming paraan para makumbinsi ang taumbayan.
Sa totoo lang, kulang lang tayo sa diskarte at naunahan ng takot ang publiko kaya nagkaroon ng malaking vaccine hesitancy. Ngunit kung magiging mas madiskarte tayo, tiyak na papayag din ang marami nating kababayan na magpaturok.
Tulad ng palagi nating sinasabi, palawakin pa ang information drive tungkol sa bakuna at bigyan ng kaalaman ang publiko hinggil sa kung paano makatutulong ang bakuna upang malabanan ang malalang epekto ng virus.
Ang ipinupunto lang natin, tama na ang puro babala at pananakot dahil hindi ito nakatutulong. Mas mabuting magpokus tayo sa mga makatotohanan at epektibong hakbang upang mas marami tayong mahikayat na magpabakuna.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments