top of page
Search
BULGAR

Pananakit sa reporter, malaking epekto sa transport group

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 13, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Nagulat ang maraming tagapakinig ng programang Damdaming Bayan ni Deo Macalma at Sister L sa DZRH nang sa gitna ng paghahatid ng balita o live report ng isa sa kanilang reporter sa nagaganap na transport strike ay bigla na lamang umanong dumaing na sinusuntok siya sa tagiliran ng ilan sa mga kalahok ng tigil-pasada.


Dahil dito, mariing tinuligsa ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang physical attack na ginawa umano ng mga miyembro ng transport group na Manibela laban sa isang miyembro ng mamamahayag habang nagko-cover ng transport strike na isinagawa ng grupo sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.


Ayon kay Undersecretary Paul M. Gutierrez, PTFoMS executive director, ang pisikal na pang-aabusong ginawa laban kay Val Gonzales, isang beteranong field reporter ng istasyon ng radyo DZRH, ay hindi makakakuha ng anumang suporta sa publiko ang transport group o sa mga isyung sinusubukan nilang isulong.


Batay sa personal na pakikipag-usap ni Gutierrez kay Gonzales at mga ulat sa task force mula sa iba pang miyembro ng press, si Gonzales ay sinuntok umano sa baywang ng isang miyembro ng Manibela habang nagre-report ng transport strike sa East Avenue, Quezon City.


Sa report ni Gonzales, dahil sa transport strike ng Manibela ay walang motoristang makadaan sa East Avenue at ang traffic jam ay umabot hanggang sa Commonwealth Avenue.


Pinasinungalingan naman ni Manibela chairman Mar Valbuena ang pahayag ni Gonzales ukol sa umano’y panununtok sa kanya sa kanilang ikinasang kilos-protesta.

Sa depensa ng transport group, bago umano ang pag-ere ni Gonzales, nauna na itong nang-insulto matapos na murahin at pagsalitaan nang masama ang kanilang hanay.


Sinabi umano ng reporter na dapat na ipakulong ang grupo dahil sa abalang dulot ng kanilang mobilisasyon.


Ngunit, hindi puwedeng magsinungaling ang ipinalalabas na video na pinaligiran ng napakaraming kaanib ng Manibela habang nagre-report itong si Gonzales, kung saan naganap ang pananakit.


Hindi natin kinikuwestiyon ang pangyayaring ito – ngunit hindi ito makabubuti sa mga isinusulong o ipinaglalaban ng transport group dahil sa mawawalan na ng gana ang media na i-cover ang kanilang mga protesta na dahilan para makarating sa publiko ang kanilang hinaing kung may mga ganitong insidente.


Hindi natin masisisi ang mga kaanib ng media na kampihan ang kanilang kabaro at dahil sa naganap na ito ay posibleng maapektuhan ang adhikain ng grupong Manibela at humantong na maging hudyat ito ng katapusan ng kanilang laban – kaya dapat ay huwag itong pamarisan ng ibang transport group kung nais nilang may marating ang kanilang ipinaglalaban.


Nais nating ipabatid sa Manibela na sa ngayon ay nasa reporter ng DZRH ang simpatya ng publiko – na kailangang-kailangan pa naman ito ng kanilang grupo. At kung mauulit pa ang pangyayaring ito ay baka tuluyan na silang mawalan ng suporta sa publiko.  

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page