top of page
Search
BULGAR

Pananakit ng balakang sa kababaihan, sintomas ng problema sa reproductive system

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 24, 2020




Dear Doc. Shane,

Ako ay dalaga pa sa edad na 33, subalit may pagka-obese. Sa ngayon ay madalas akong makaramdam ng pananakit ng balakang. Ano kaya ang sanhi nito at okay lang ba na inuman ko na lang ng pain reliever? – Issah


Sagot


Tulad ng iba pang pangmatagalang pananakit o chronic pain, ang pananakit ng balakang ay mas madalas na maranasan ng mga babae kaysa sa mga lalaki.


Narito ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng pananakit ng balakang:

  • Arthritis. Isa ito sa mga pangunahing dahilan ng pangmatagalang pananakit ng balakang sa kababaihan, partikular ang osteoarthritis. Ang osteoarthritis ay dulot ng wear and tear o resulta ng pagtanda ng tao. Ang ball at socket sa kasukasuan ay nagsisimulang masira dahil sa pagtanda. Ang arthritis ay kadalasang nararamdaman sa harap ng iyong balakang, dahil sa paninigas o pamamaga ng kasukasuan.

  • Pinsala sa balakang. Ang fracture o pinsala sa balakang ay mas madalas sa mga matatanda lalo na sa mga taong may osteoporosis o ang unti-unting pagnipis ng mga materyal sa mga buto. Ang sintomas nito ay matinding pananakit kapag nag-uunat-unat, nagbubuhat ng mabigat at iba pa.

  • Tendinitis o bursitis. Ang mga kalamnan ay ikinokonekta ng mga tendons sa kasukasuan. Ang mga tendons ay madaling mamaga kapag nasobrahan ng gamit, lalo na kung gumagawa ng nakakapagod na mga aktibidad. Isa sa mga pangunahing sanhi ng tendinitis, lalo na sa mga atleta ay ang iliotibial band syndrome — ito ay makapal na tissue na nakalagay sa iyong balakang papuntang tuhod.

  • Hernia o luslos. Ito ay maaari ring tumubo sa may bandang tagiliran ng balakang. Ito ay tinatawag na femoral o inguinal hernia, isang klase ng luslos na sanhi ng pagkakaroon ng karagdagan pressure sa tiyan.

  • Problema sa likod at sistemang reproductive. Ang pananakit ng balakang ng kababaihan ay sanhi ng problemang gynecological. Huwag isiping ang pananakit ng balakang ay dala lamang ng arthritis, bursitis o tendinitis. Depende sa edad at mga sakit na nararamdaman, ang pananakit ng balakang ay malamang dahil sa sakit ng mga organo sa loob ng katawan.


Lunas:

  • Kung ang pananakit ng balakang ay dahil sa sobrang paggamit o pinsala dahil sa sports, ito ay maaaring gamutin ng heat treatment, pahinga at over the counter na gamot para sa pamamaga.

  • Para maiwasan ang mga pinsala, kailangang mag-stretching muna bago mag-ehersisyo, magsuot ng tamang damit at gumamit ng maayos na sapatos lalo na kung ikaw ay tatakbo.

  • Ang sobrang timbang ay maaari ring makadagdag sa pressure sa balakang, kaya ang pagbabawas ng timbang ay tulong para mabawasan ang pananakit na nararamdaman.

  • Kung may pananakit ng balakang na sanhi ng luslos o hernia, kailangan itong operahan para maalis ang pananakit.


Gayunman, kapag ang masakit na balakang ay nagpatuloy, kailangang magpakonsulta agad sa doktor para sa posibleng mga sanhi at lunas.

Ang pananakit ng balakang ay maaari ring palatandaan ng sakit sa bato. Kung nakakaranas ng pananakit ng balakang o sa may bandang ibabang bahagi ng likod at kasalukuyang nahihirapan sa pag-ihi, mag patingin agad sa doktor.

Kung ikaw ay mahinang uminom ng tubig, doblehin o triplehin mo na ang iyong paginom ng tubig lalo na kung mainit ang panahon. Mahalaga rin ang pag kakaroon ng sapat na pahinga para malabanan ang mga sanhi ng pananakit ng balakang.

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page