ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 7, 2021
Dear Doc. Shane,
Ang sabi nila, kapag mataas ang level ng cholesterol ay posible itong magdulot ng sakit na atherosclerosis? Paano malalaman kapag mayroon na nito? – Arthur
Sagot
Ang mataas na cholesterol ay hindi sakit, ngunit maaari itong humantong sa sakit na atherosclerosis. At ang atherosclerosis naman ay humahantong sa sakit sa puso, atake sa puso, stroke, at ang problema sa sirkulasyon na tinatawag na peripheral vascular disease.
Kung ang atherosclerosis ay sumulong na at nagdudulot na ng pagbagal ng daloy ng dugo sa puso dahil sa pagkabuo ng plaque, nagkakaroon kana ng Coronary Heart Disease, na tinatawag ding Coronary Artery Disease o Heart Disease.
Ang sakit sa puso o heart disease ay ang pangkalahatang tawag sa mga karamdaman na may kaugnayan sa puso at sa pagdaloy ng dugo na may dalang nutrisyon papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa pagkakataong ito, ang iyong atherosclerosis ay nagsimula nang magdulot ng mga sintomas, tulad ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga. Ang atherosclerosis ay posible pang magdulot ng stroke kapag ito ay bumabara sa daluyan ng dugo papunta sa iyong utak at magdulot din ng mga problema sa kalusugan kung pahihinain nito ang daloy ng dugo sa iba pang bahagi ng katawan.
Hindi lang isang uri ang sakit sa puso. Ang mga karaniwang sintomas ng sakit sa puso ay ang pananakit at paninikip ng dibdib, hirap na paghinga, madaling mapagod, may kumikirot o parang may tumutusok sa parte ng puso. Ang mga sakit sa puso ay tinaguriang silent killer, dahil may mga sintomas ito na hindi agad napapansin. Kaya kadalasan ay hindi napapansin ng mga tao na may problema na sila sa puso kahit may mga sintomas na. Karaniwan nang palatandaan ng atake sa puso ang matinding paninikip ng dibdib. Pero may iba na hindi nakadarama ng paninikip ng dibdib kapag inatake sila sa puso. Kaya ipinagpapaliban ang pagpunta sa hospital, subalit ito ay mapanganib.
Comments