ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 23, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay may-ari ng isang panaderya. May mga pagkakataon na hindi nabibili ang lahat ng aming mga nilulutong tinapay, at ito ay ipinapatapon ko na lamang, sapagkat gusto ko na ang tinapay na ipinagbibili ko ay palaging bago araw-araw. Nais kong mag-donate ng mga tirang tinapay sa halip na ito ay itapon, sapagkat ito ay ligtas pang kainin sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw. May pananagutan ba ako kung sakaling may magkasakit dahil sa pagkain ng mga nasabing tinapay? –Larry
Dear Larry,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act 9803 o mas kilala bilang “Food Donation Act of 2009.” Nakasaad sa Section 5 ng batas na:
“SEC. 5. Liability for Damages from Donated Food. — A person, whether natural or juridical, shall not be subject to civil or criminal liability arising from the nature, age, packaging, or condition of apparently wholesome food that a person donates in good faith for charitable purposes. This shall not apply, however, to an injury or death of an ultimate beneficiary of the donated food that results from an act or omission of a person constituting gross negligence or intentional misconduct.”
Bagama’t ang pagbibigay ng pagkain bilang kawanggawa ay pinahihintulutan ng ating batas, marapat na masiguro ang kaligtasan ng nasabing pagkain upang ito ay hindi magdulot ng kapahamakan. Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, ang sinumang nagbigay o nag-donate ng produktong pagkain ay karaniwang walang pananagutan sa mga nasabing pagkain, maliban lamang kung ang donor ay nagkaroon ng malubhang kapabayaan o sinadya niya ang paglabag sa mga alituntunin na itinakda ng batas. Kung ang isang donor, sa kabila ng kanyang kaalaman na ang mga pagkain ay maaaring magdulot ng kapahamakan, ay nagpatuloy sa pagbigay nito, at ito ay nagdulot ng kapahamakan sa isang beneficiary o tumanggap, ang nasabing donor ay maaaring panagutin sa batas. Gayundin sa iyong sitwasyon, magkakaroon ka lamang ng pananagutan kung mayroong malubhang kapabayaan sa iyong parte o alam mo na makapagdudulot ng kapahamakan ang pagkaing iyong ibinigay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários