top of page
Search
BULGAR

Pananagutan ng may-ari ng resort at bangka sa trahedya

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 18, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nagbakasyon kami noong nakaraang linggo sa isang resort sa Puerto Princesa, Palawan, kung saan kasama sa aming binayaran ang pagsundo at paghatid ng bangka mula sa Puerto Princesa Port patungo sa resort at pabalik. Matapos ang tatlong araw ng aming pagbabakasyon, napagdesisyunan naming umuwi na dahil tila nagsisimula nang sumama ang panahon. Ngunit sa aming biyahe pabalik ng Puerto Princesa Port, isang trahedya ang naganap. Tumaob ang sinasakyan naming bangka dahil sa lakas ng alon at hangin. Bilang resulta, nalunod ang aking kapatid. Aming napag-alaman na mayroon na palang babala mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong araw na naganap ang trahedya, ngunit tumuloy pa rin sa biyahe ang nasabing bangka na pagmamay-ari ng resort. Maaari bang managot ang resort sa pagkamatay ng aking kapatid? Ginagawang depensa ng resort na ang bangka ay maituturing na “private carrier” at hindi “common carrier”. Tama ba ito? — Nate


 

Dear Nate,


Ayon sa New Civil Code of the Philippines, ang mga “common carriers” ay mga tao, korporasyon, kumpanya, o asosasyon na nakikibahagi sa negosyo ng pagdadala ng mga pasahero o kalakal sa pamamagitan ng lupa, tubig, o hangin nang may bayad, na nag-aalok ng kanilang serbisyo sa publiko. Nakasaad din sa ating batas na ang mga common carriers ay may responsibilidad na alagaan ang mga pasahero at magbigay ng ligtas na transportasyon. Partikular na binigay ang kahulugan ng common carriers sa Artikulo 1732 ng nasabing Code:


Article 1732. Common carriers are persons, corporations, firms or associations engaged in the business of carrying or transporting passengers or goods or both, by land, water, or air for compensation, offering their services to the public.”


Bilang isang common carrier, ang may-ari ng sasakyang pantransportasyon ay may obligasyong tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. Ayon sa Artikulo 1755 ng New Civil Code of the Philippines ang isang common carrier ay dapat gumamit ng extraordinary diligence. Ibig sabihin, kailangang mag-ingat ang mga may-ari at operator ng sasakyang pangtransportasyon sa lahat ng aspeto ng kanilang operasyon. Ito ay nangangahulugang may pananagutan sila sa anumang aksidente, maliban na lamang kung ito ay dulot ng mga sanhi na hindi nila kontrolado, tulad ng kalikasan o hindi inaasahang pangyayari (force majeure). Makikita sa Artikulo 1755 ng Civil Code of the Philippines ang obligasyon ng isang common carrier:


Article 1755. A common carrier is bound to carry the passengers safely as far as human care and foresight can provide, using the utmost diligence of very cautious persons, with a due regard for all the circumstances.”


Para sa iyong kaalaman, mayroong kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakakasaklaw ng iyong katanungan. Ayon sa Spouses Cruz vs. Sun Holidays, Inc. (G.R. No. 186312, June 29, 2010) na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Conchita Carpio Morales:


Indeed, respondent is a common carrier. Its ferry services are so intertwined with its main business as to be properly considered ancillary thereto. The constancy of respondent’s ferry services in its resort operations is underscored by its having its own Coco Beach boats. And the tour packages it offers, which include the ferry services, may be availed of by anyone who can afford to pay the same. These services are thus available to the public. xxx


Under the Civil Code, common carriers, from the nature of their business and for reasons of public policy, are bound to observe extraordinary diligence for the safety of the passengers transported by them, according to all the circumstances of each case. They are bound to carry the passengers safely as far as human care and foresight can provide, using the utmost diligence of very cautious persons, with due regard for all the circumstances.


When a passenger dies or is injured in the discharge of a contract of carriage, it is presumed that the common carrier is at fault or negligent. In fact, there is even no need for the court to make an express finding of fault or negligence on the part of the common carrier. This statutory presumption may only be overcome by evidence that the carrier exercised extraordinary diligence.”


Sa iyong binanggit na sitwasyon, ang kumpanya na may-ari ng resort at ng bangka ay itinuturing na common carrier sa ilalim ng ating batas, at hindi isang private carrier sapagkat inaalok nila sa publiko ang paghatid at pagsundo sa port, na kasama sa kanilang serbisyo o negosyo bilang resort. Kaya naman kailangan nilang maipakita na nagpamalas sila ng extraordinary diligence sa paniniguro sa inyong proteksyon at seguridad nang ihatid nila kayo pabalik ng port. Kung hindi nila ito maipakikita, mananagot sila sa pagkamatay ng iyong kapatid dahil pinagpapalagay din ng batas na ang isang common carrier ay may kasalanan o kakulangan kapag mayroong namatay o nasugatan na pasahero. Bagama’t hindi natin kontrolado ang masamang panahon at malakas na alon, maaari pa rin silang managot, lalo na’t mayroon nang babala galing sa PAG-ASA. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page