top of page
Search
BULGAR

Pananagutan ng may-ari ng asong nakakagat

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 8, 2024

 

Dear Chief Acosta,

 

Nakagat ako ng aso na pagmamay-ari ng aming kapitbahay habang naglalakad papasok ng aming bahay. Pinuntahan ko ang may-ari ng aso para ipagbigay-alam sa kanila ang nangyari. Sinabihan ako ng aming kapitbahay na ang asong nakakagat sa akin ay pagmamay-ari ng kanyang menor-de-edad na anak. Hindi diumano nila sinasadya ang nangyari at wala raw may kagustuhan nito. Ayon sa mga magulang ng bata ay hindi nila sasagutin ang pagpapagamot ko dahil wala raw trabaho ang kanilang anak sapagkat ito ay menor-de-edad pa lamang. Sinabihan ko sila na wala rin akong kakayanan na paturukan ang aking sarili sapagkat kulang pa ang aking kinikita para sa aming pang araw-araw. Puwede ko bang papanagutin ang mga magulang ng may-ari ng aso? - Berting

 

Dear Berting,

 

Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Article 2180 ng Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na: “The obligation imposed by Article 2176 is demandable not only for one’s own acts or omissions, but also for those of persons for whom one is responsible. The father and, in case of his death or incapacity, the mother, are responsible for the damages caused by the minor children who live in their company.”

 

Alinsunod din sa Article 221 ng Family Code of the Philippines: “Parents and other persons exercising parental authority shall be civilly liable for the injuries and damages caused by the acts or omissions of their unemancipated children living in their company and under their parental authority subject to the appropriate defenses provided by law.”

 

Malinaw sa nabanggit na mga probisyon ng batas na ang mga magulang ang may pananagutan sa lahat ng pinsala at danyos na nagawa ng kanilang mga menor-na-edad na anak na nasa kanilang pangangalaga.  

 

Kaugnay nito, nakasaad din sa Section 5 ng Republic Act No. 9242 o ng The Anti Rabies Act ang mga responsibilidad ng isang may-ari ng alagang hayop: “All Pet Owners shall be required to: xxx (f) Assist the Dog bite victim immediately and shoulder the medical expenses incurred and other incidental expenses relative to the victim's injuries. xxx”

 

Kaya naman sa iyong sitwasyon, maaari mong papanagutin ang magulang ng batang nagmamay-ari ng asong nakawala at nakakagat sa iyo habang papasok ng bahay para sa lahat ng gastusing medikal, kabilang na ang pagpapabakuna.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 

 

 

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page