ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 23, 2021
Kahit papalapit na ang susunod na eleksiyon, hindi dapat mawala ang focus natin sa laban kontra COVID-19 at sa hangarin na mabigyan ng mas komportableng buhay ang bawat Pilipino. Unahin natin palagi ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino. Dahil kung hindi natin malalampasan ang krisis, baka wala na tayong pag-uusapan pang pulitika.
Nais nating klaruhin na walang interes ang inyong lingkod na tumakbo sa anumang posisyon sa 2022. Kung anuman ang magiging kapalaran sa mundong ito, ipinauubaya natin ‘yan sa Diyos, sa mga Duterte na napakalaki ng aking tiwala at paghanga, at sa mga Pilipino na nagbigay ng pagkakataong makapagserbisyo. Kaya hindi natin sasayangin ang oportunidad na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino.
Kaya pakiusap, sana ay patuloy ninyong suportahan ang administrasyon na walang ibang hangarin kundi ang kabutihan ng lahat. Panahon ito ng pagtutulungan at pakikipagbayanihan. Hindi ito ang panahon para magsiraan at magsisihan.
Kaysa pag-usapan ang pulitika, kasalukuyan tayong nakatuon sa pagtulong sa mga nangangailangan. Nitong nakaraang linggo, nagbigay tayo ng tulong sa 12 pamilyang nasunugan sa Las Piñas City; 12 din sa Maynila; tigdalawang pamilya sa San Jose, Batangas at Cabuyao City, Laguna; at 36 na pamilya sa Pateros. Personal nating inabutan ng tulong ang 400 na nasunugan sa Matina Aplaya, Davao City.
Nag-abot din tayo ng tulong sa 277 na pamilyang biktima ng flashfloods sa Bgy. Talomo River, Calinan District; at 1,191 na pamilya naman sa Bgy. Lasang, parehong sa Davao City din.
Maliban dito, hindi natin kinalimutan ang mga pinakaapektado ng pandemya. Tinulungan natin ang 178 TODA members at stranded seafarers sa DSWD Central Office sa Quezon City ngayong linggo. Nagpunta rin ang ating team sa Cagayan upang tulungan ang 257 na residenteng apektado ng pandemya sa Gonzaga; 88 sa Sta. Ana, 369 sa Aparri, at 243 naman sa Camalaniugan.
Sa probinsiya ng Zamboanga del Sur, nag-abot tayo ng tulong sa 1,500 pandemic-hit workers sa Tambulig; 1,500 din sa Aurora, at 1,812 naman sa Pagadian City. Tinulungan din natin ang 855 na PWDs sa Maasin City, Southern Leyte; 5,247 na kababayan nating apektado ng pandemya sa Lingayen, Pangasinan; at libu-libong kababayang mula sa indigent na sektor sa Bayambang, Pangasinan.
Maliban pa riyan, ang ating opisina ay nagtungo rin sa Tudela, Misamis Occidental upang magbigay ng ayuda sa 1,313 small vendors; 2,025 na mangingisda sa Santa Fe, Bantayan Island, Cebu; at 1,790 na TODA members at market vendors mula sa Naval at Kawayan sa probinsiya ng Biliran; 1,000 TODA members sa Caloocan City; at 289 kababayang lubhang naapektuhan ng pandemya sa Parañaque City.
Kahapon, Hulyo 22, 2021 ay binuksan din natin ang ika-130 na Malasakit Center sa bansa sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa bayan ng Batac, Ilocos Norte.
Hindi tayo mapapagod na tumulong sa mga nangangailangan. Patuloy tayong magtatrabaho hanggang sa huling araw ng termino.
Sa huling State of the Nation Address sa susunod na linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaasahan nating babanggitin ng Pangulo ang ilan sa mga priority measures upang mapalakas ang ating laban kontra COVID-19, at pati na rin ang patuloy na laban kontra korupsiyon, ilegal na droga, at kriminalidad tungo sa pagbibigay ng mas komportable at mapayapang buhay sa ating mga kababayan at sa susunod na mga henerasyon.
Inaasahan din nating matatalakay ng Pangulo ang mga magagandang pagbabago at accomplishments na nagawa ng gobyernong ito sa nakaraang limang taon. Hayaan na nating ang taumbayan ang humusga kung masaya sila sa mga ginawa sa terminong ito at kung nais pa nilang maipagpatuloy ang mga nasimulan ng ating Pangulo.
Sa ngayon, tutok muna tayo sa pagseserbisyo. Lampasan muna natin ang mga pagsubok na ating kinahaharap. Bakuna muna bago pulitika. Magkaisa tayo at tulungan natin ang ating kapwa para masigurong walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments