Panahon ng pagninilay-nilay sa hiram na buhay
- BULGAR
- Apr 9
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 9, 2025

Napipinto nang muli ang Semana Santa kung kaya’t papalapit ang pagwawakas ng kasalukuyang Kuwaresma o Lenten season.
Marahil hindi na kasing taimtim noong sinaunang kapanahunan ang paggunita nito sa kasalukuyan, ngunit ang sama-samang pagdarasal at pag-aayuno ng magpapamilya ay makapagpapatingkad ng kabanalan ng panahon at makapagpapalalim rin ng kabuluhan ng mabuhay para sa isa’t isa.
Ang bansag na ‘Lent’ ay sinasabing nagmula sa dalawang magkaibang salita: ang Old English na salitang ‘lencten’, na ang salin sa modernong Ingles ay “springtime” o “spring,” at sa West-Germanic na ‘langitinaz’ na ang ibig sabihin ay “long days” o “lengthening of the day.”
Ngunit tila magandang pagtuunan din ang mas karaniwang kahulugan ng lent sa Ingles, na ang ibig sabihin sa wikang Filipino ay “ipinahiram”. Panahon upang mapagbulay-bulayan ang atin mismong buhay, at lahat ng ating dinanas at naging tugon sa buhay na ipinahiram sa atin ng Maykapal.
Maituturing mang atin ang anumang naipundar na ari-arian o nalinang na abilidad, o pinagsikapang hanapbuhay, o pinagpapaguran sa ehersisyong kalusugan, o mandato ng kapangyarihan, kaloob lamang ito sa atin ng Maykapal at maaaring hindi manatili sa atin habambuhay, lalo nang hindi maaaring dalhin sa kabilang buhay.
Isang malaking paalala ang matinding paglindol nitong ika-28 ng Marso sa Myanmar at Thailand, kung saan maraming matatayog na gusali ang nagiba at libu-libo ang sa kasawiang-palad ay namatay at nasugatan.
Kung lubos na tatanawing hiram ang ating buhay, marahil ay mas mapabubuti ang ating pamumuhay, pagmamalasakit at pakikitungo sa kapwa. Mas magiging matulungin, maalalahanin, at magiging kontento at mapagpasalamat sa kung anuman ang biyayang tinatamasa. Mas magiging mapagpakumbaba at may pananagutan.
Mas maraming magagawa kung nakatuntong sa lupa, sa halip na matayog ang tingin sa sarili at maliit ang tingin sa kapwa. Gaya ng paalaala ng nabanggit na lindol, ang mga rangya, biyaya at buhay ay posibleng mawala sa isang iglap.
Patuloy nating ipanalangin ang ating mga mahal sa buhay, mga kaibigan o maging ang sa atin ay mga umaalipusta, ang ating mga kababayan, nagpapangaral ng salita ng Diyos, at ang ating bansang Pilipinas na nangangailangan ng tunay na mga tagapaglingkod na magsasakripisyo para sa kapakanan ng mamamayan.
Kung tayo man ay hindi nakapagpigil at nauwi sa pagwaldas, pagpinsala’t pag-agrabyado ng kapwa, pagsisihan nang lubos ang kamalian, taos-pusong humingi ng kapatawaran, sikaping iwasto ang naging pagkakamali at ayusin ang salimuot nitong dulot. Kung tayo naman ang nasa posisyong makapagpatawad, dinggin ang taimtim na nagsisisi at subukang buksan ang puso upang dumaloy ang maiaalay na dispensa.
Ang huling bahagi ng ating buhay ay may kalakip na katanungan: Pinuno ba natin ng kagaanan ang ating kapwang pinahintulutan ng langit na ating makasalamuha sa mga araw ng ating buhay? Pinarikit ba natin ang kanilang mundo o isinadlak natin sa kalungkutan? Nakahugot ba ng lakas mula sa atin ang ating kapwa o sila’y pinanghinaan ng loob? Nagpangiti at nakapagpasaya ba tayo o nagpahirap sa kanilang kalagayan?
Nawa, tayo man din ay maging lubos na maligaya sa ating magiging tugon sa mga katanungang iyan pagdating ng dapithapon.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments