top of page
Search
BULGAR

Panahon na para sa permanente, ligtas, komportable at kumpletong evacuation center sa buong bansa

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 14, 2023



Ngayong araw ay aking ipinagdiriwang ang aking kaarawan. Gayunpaman, ang aking tanging hiling sa panibagong taon na ibinigay sa akin ng Panginoon ay ang magkaroon ng lakas at katatagan na makapagserbisyo pa lalo sa aking kapwa. Katulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi naman ako nagse-celebrate ng aking kaarawan. Mas nais kong iukol ang aking panahon sa pagtulong sa kapwa ko Pilipino dahil hindi ko maiwasang mag-alala para sa ating mga kababayan na higit na nangangailangan.


Noong weekend ay bumisita tayo sa Camarines Norte at Camarines Sur para sa ating mga isinagawang relief effort at iba pang aktibidad, at inalam din natin ang sitwasyon ng ating mga kababayan doon.


Under state of calamity nagyon ang Albay, batay sa ipinasang resolution ng kanilang Sangguniang Panlalawigan dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon. Dahil dito, maaari nang gamitin ng LGUs ang kanilang calamity funds para maalalayan ang mga apektadong residente. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang pangunahing konsiderasyon ko ay ang kalusugan at kaligtasan ng mga residenteng apektado ng sitwasyon.


Umapela ako at nakiusap sa mga nakatira sa loob ng mas pinalawak na seven-kilometer-radius permanent danger zone na sumunod sila sa paalala ng kanilang LGUs at ng ating gobyerno.


Pangalagaan natin ang buhay na ibinigay sa atin ng Panginoon. Kapag sinabing lumikas, lumikas na para hindi malagay pa sa panganib.


Nakiusap din ako sa ating mga awtoridad na ilikas agad ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar kung kailangan, at bigyan ng maayos at malinis na evacuation center.


Kaya ko rin ipinaglalabang maipasa sana ang aking Senate Bill No. 193 ay para magkaroon na ng permanente, ligtas, komportable at kumpletong evacuation centers sa bawat bayan, lungsod at probinsya.


Bukod sa Mount Mayon ay aktibo rin ang mga Bulkang Taal sa Batangas at Kanlaon sa isla ng Negros. Sunud-sunod na rin halos ang pagpasok ng mga bagyo sa ating bansa. At dahil dito, patuloy kong ipinaglalaban sa Senado ang Senate Bill No. 188. Kung makapapasa at magiging ganap na batas, itatatag ang Department of Disaster Resilience na isang cabinet-level department.


Kung maisabatas, ang DDR ang departamento na bago pa man dumating ang bagyo o bago pumutok ang bulkan, nakatutok na ito sa paghahanda tulad ng evacuation at preposition of goods and rescue team. Sa pamamagitan nito, magiging sentralisado ang pagkilos, mapabibilis ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at matitiyak ang maagap na pagtugon sa mga emergencies.


Kapag natapos naman ang kalamidad, halimbawa ay nakaalis na ang bagyo, ang DDR din ang mangunguna sa restoration of normalcy at rehabilitation efforts.


Napakaimportante po na mayroon tayong DDR dahil bukod sa bagyo at pagputok ng bulkan, nar’yan din ang baha, lindol at minsan ay may buhawi pa, bukod din dito ang madalas na insidente ng sunog. Hindi natin maiiwasan ang pagdating ng mga kalamidad, pero mas mabuti na palagi tayong handa para hindi ito umabot sa mas malaking pinsala.


Muli tayong naging abala sa mga nakalipas na araw para sa iba pa nating gawain sa labas ng Senado, partikular ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan sa iba’t ibang komunidad sa buong Pilipinas.


Kahapon, June 13, ay nasa Tagum City, Davao del Norte tayo para pangunahan ang pamamahagi ng ayuda katuwang ang Department of Social Welfare and Development para sa 1,500 mahihirap na residente sa lugar, habang ang Department of Labor and Employment naman ay nagsagawa ng orientation para sa temporary employment ng 720 na benepisyaryo.


Dinaluhan din natin ang Celebration of the First Year Anniversary of Insurgency-Free Davao del Norte kasama si Gov. Edwin Jubahib, mga uniformed personnel ng Philippine Army at ng Philippine National Police. Importante sa akin ang kapayapaan lalo na sa Mindanao. Wala na dapat patayan. Sino ba namang gustong magpatayan? Masakit makitang Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Pero sisikapin nating palawakin pa ang ating mga programa sa mga nagbabalik-loob para bukod sa matitigil ang rebelyon, bigyan din natin ng pangkabuhayan kung sino po ang mga gustong sumuko at bumalik sa lipunan.


Makaraan nito, sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa katabing bayan ng Carmen sa Davao del Norte. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,666 mahihirap na residente ng Carmen kasama si Mayor Leony Bahague.


Naalalayan din ng aking opisina ang dalawang pamilyang nasunugan mula sa Bgy. Perrelos, Carcar City, Cebu nang araw na iyon.


Noong June 10, bumalik tayo sa Camarines Sur kasama ang kapwa senador na si Sen. Robinhood Padilla at ating kaibigang si Philip Salvador. Nabigyan natin ng tulong ang 2,699 mahihirap na benepisyaryo na kinabibilangan ng mga estudyante at mga mangingisda katuwang ang tanggapan nina Governor Luigi, at Congs. Lray at Migz Villafuerte.


Sa araw na iyon, pumunta rin kami sa Camarines Norte at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Talisay Super Health Center. Nagbigay tulong din tayo sa 1,500 indigent families katuwang ang tanggapan ni Mayor Dondon Mancenido. Nag-inspeksyon din kami sa Malasakit Center na nasa Camarines Norte Provincial Hospital sa Daet kasama si Gov. Dong Padilla at pinagkalooban ng tulong ang 811 frontliners at 262 pasyente ng ospital. Namahagi rin ang DSWD ng hiwalay na tulong sa mga kuwalipikadong pasyente.


Ang aking opisina ay namahagi ng tulong sa 1,620 benepisyaryo mula rin sa San Vicente, Camarines Norte.


Dinaluhan din natin ang Mindanao League of Municipalities of the Philippines Convention 2023 na ginanap sa Acacia Hotel, Davao City noong June 10. Sa naturang pagtitipon ay ipinaalala natin sa ating mga kapwa lingkod bayan na laging uunahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan, lalo na ang mga mahihirap at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Sunog, lindol, baha, buhawi, pagputok ng bulkan, o ano pa mang kalamidad, basta kaya ng aking katawan at panahon, pupuntahan ko ang ating mga kababayan para makatulong sa abot ng aking makakaya, makapagbigay ng solusyon sa mga problema, makapaglunsad ng mga proyekto na makakapagpaunlad sa komunidad, at makapag-iwan ng ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati.


Ang aking tanging panalangin sa araw ng aking kapanganakan ay ang kaligtasan, kabutihan at kasiyahan ng aking kapwa Pilipino. At sana ay ipagdasal n’yo rin ang aking mabuting kalusugan para makapagserbisyo pa ako sa mas marami nating kababayan.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page