top of page
Search
BULGAR

Panahon na para paghandaan ang mga kalamidad

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 11, 2023


Hindi pa man ako senador, isa sa ating inumpisahang ipaglaban ang pagpapatayo ng mandatory evacuation centers sa mga estratihikong lugar. Kapag bumibisita kasi ako sa evacuees para maghatid ng tulong, nakikita ko ang kawawang kalagayan ng mga apektadong pamilya na napilitang sumilong sa mga eskwelahan, basketball courts at iba pang pampublikong lugar na kulang sa mga pangunahing pangangailangan.

Tinatamaan na nga ng bagyo, sunog o iba pang sakuna ang mga kababayan natin, nagsisiksikan pa sa temporary shelters kabilang ang vulnerable individuals gaya ng mga bata at senior citizens.


Huwag na nating pahirapan ang mga kababayan nating naghihirap. Bigyan natin ito ng solusyon bago pa man dumating ang panibagong sakuna.

Kaya simula nang naihalal ako sa Senado noong 2019, isinumite natin noon ang panukalang “Mandatory Evacuation Center Act” na muli nating ipinanukala ngayong 19th Congress. Masaya ako na noong November 7 ay nag-co-sponsor tayo sa Senate Bill No. (SBN) 2451, o ang “Ligtas Pinoy Centers Act”, na kung tuluyang makapasa at maging ganap na batas ay naglalayon na makapagpatayo ng permanente at komportableng evacuation facilities sa buong bansa.

Isinulong natin bilang isa sa may akda at co-sponsor ang Ligtas Pinoy Centers Bill o ang

Mandatory Evacuation Centers Bill upang bigyang-diin ang importansya ng pagtataguyod ng ligtas, permanente at sadyang nakalaan na evacuation centers sa mga bayan, siyudad at probinsiya. Napakaimportante nito lalo na bago pa dumating ang kalamidad. Para kapag tinamaan tayo ng sakuna, agad na may komportableng at ligtas na masisilungan ang mga apektado, at hindi magsisiksikan sa hindi angkop na lugar.

Para sa akin, hindi angkop na ginagamit ang mga eskwelahan bilang evacuation center dahil naaabala nito ang pag-aaral ng mga estudyante. Ang paggamit naman ng pampublikong lugar tulad ng gymnasiums, plaza at iba pang maaaring pansamantalang masilungan ng mga evacuees ay nakakaapekto sa kabuhayan ng komunidad at hindi rin ligtas para sa mga kababayan natin.

Alam naman natin na palaging tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Bukod pa rito ang sunog, lindol, pagputok ng bulkan, buhawi, at ibang sakuna na madalas hinaharap ng ating mga kababayan. Kaya sana ay bigyan natin ng importansya ang kanilang kaligtasan bago pa man mangyari ang trahedya. Maging laging handa tayo!

Dapat magkaroon na ng nakahandang permanenteng evacuation centers sa mga komunidad na may malinis at komportableng matutulugan, at may maayos na comfort room para mas maiwasan natin na magkasakit sila. Bukod dito, dapat laging handa ang mga emergency packs na may kumpletong gamit tulad ng pagkain, gamot, first aid, at iba pa. Ito ay para sa mabilis at maayos na pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuees at para rin sa kanilang mabilis na pagbangon.

Bukod sa ating layunin na makapagpatayo ng mga ligtas at permanenteng evacuation centers, isinusulong din natin ang Senate Bill No. 188 na kung maisabatas ay magtatatag ng Department of Disaster Resilience.

Dapat meron tayong cabinet-level na departamento na magiging timon ng buong pamahalaan para bago pa man dumating ang sakuna, naihanda na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga posibleng maapektuhan, at maililikas agad ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pagkatapos ay restoration of normalcy kaagad at rehabilitation efforts.

Sa kabila naman ng ating pagiging abala sa Senado, tuluy-tuloy tayo sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad.

Nasa Batangas tayo kahapon, November 9, at nag-inspeksyon sa Super Health Center sa San Juan kasama sina Congresswoman Lianda Bolilia, Mayor Ildebrando “Bibong” Salud at iba pang opisyal. Dumalo rin tayo sa inagurasyon ng itinayong multi-purpose building na magsisilbi ring evacuation center sa Brgy. Calublub, sa bayan ng San Juan pa rin.


Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance, natulungan nating mapondohan ang mga proyektong ito. Namahagi rin tayo ng ilang grocery packs para sa mga kababayan natin doon.

Nakibahagi naman tayo noong November 8 sa idinaos na reunion dinner kasama ang mga kapwa at dating senador bilang pagdiriwang ng ika-107 anibersaryo ng Senado.


Ang okasyon na ginanap sa Marble Hall Ayuntamiento de Manila, Intramuros ay pinangunahan ni Senate President Migz Zubiri.

Maagap namang umalalay ang aking opisina sa ating mga kababayang naging biktima ng insidente ng sunog at napagkalooban ng tulong ang 50 residenteng apektado sa E. Rodriguez, Quezon City, at tatlo pa sa Brgy. Bangbang, Cordova, Cebu.

May 25 ring nabiktima noon ng sunog sa Brgy. Manresa, Quezon City na nakatanggap ng hiwalay na tulong mula sa atin bukod pa sa naibigay na ayuda ng National Housing Authority para pambili ng pako, yero at iba pang materyales na pampaayos ng bahay sa ilalim ng programa nilang ating isinulong noon.

Inayudahan din natin ang 590 mahihirap na residente ng Calapan City, Oriental Mindoro katuwang ang tanggapan ni Councilor Atty. Jelina Magcusi, at 440 sa Buruanga, Aklan.


Nakatanggap naman ang mga ito ng hiwalay na tulong mula sa gobyerno.

Natulungan din natin ang mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 323 sa Libon, Albay katuwang ang tanggapan ni Mayor Das Maronilla, 147 sa Pasay City katuwang ang tanggapan ni Mayor Emy Calixto Rubiano, 174 sa Tigbauan, Iloilo katuwang ang tanggapan ni Congresswoman Janet Garin, 146 sa Brgy. Paligsahan, Quezon City katuwang si dating Congressman Bong Suntay, 233 sa Guinobatan, Albay katuwang si Mayor Paul Garcia, at 148 sa Brgy. Bonbon sa Catarman, Camiguin katuwang si Brgy. Kap. Toping Rodriguez. Nagkaloob din ang Department of Labor and Employment ng hiwalay na tulong panghanapbuhay sa mga benepisyaryo.

Hindi rin natin kinaligtaang matulungan ang maliliit na negosyanteng naapektuhan ng krisis ang kabuhayan. Naayudahan natin ang 293 sa Puerto Princesa City, Palawan, 136 sa Malolos City, Bulacan, at 23 pa sa Siaton, Ayungon at Mabinay sa Negros Oriental.


Pinagkalooban din sila ng Department of Trade and Industry ng livelihood kits para makapagsimula silang muli ng kanilang negosyo. Isa ito sa mga programang ating isinulong noon at patuloy na sinisikap na maipagpatuloy hanggang ngayon.

Sampung taon na makalipas ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa ating bansa kung saan maraming buhay ang nasawi at malaking kabuhayan ang nawasak. Taun-taon, lagi tayong dinadalaw ng mga kalamidad at hindi na natin maiiwasan ito.


Gayunpaman, ngayon na ang tamang panahon para maghanda. Huwag na nating hintayin ang susunod na sakuna bago tayo kumilos. Nasa mga kamay natin ang agarang aksyon na kinakailangan para maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page