top of page
Search
BULGAR

Panahon na para itaas ang suweldo ng mga guro

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 9, 2022


Sa pagsisimula ng bagong Kongreso (19TH Congress), agad tayong nagsumite sa Senado ng ating 20 pangunahing panukalang batas na inaasahan nating mabibigyan ng pagkakataong pumasa sa ilalim ng bagong administrasyon.


Nangunguna pa rin sa ating mga panukala ang pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon sa bansa, partikular ang pagbibigay ng kaukulang-pansin sa kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral.


Isa sa mga ito ang pagpapataas sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan. Alam ninyo, congressman pa lamang tayo noong 2004 ay itinutulak na natin ang panukalang ito.


Sa ating panukala, itinutulak nating mula Salary Grade 11 ay gawing Salary Grade 19 ang sahod ng mga teachers. Panahon na para naman gawing well-paid ang mga guro. Sa mga bansang Finland at Singapore, isa ang mga guro sa mga tumatanggap ng mataas na suweldo, kaya't sana nama'y magawa rin natin ito sa ating bansa.


Layunin natin na gawing interesante sa mga guro sa mga pampublikong paaralan ang pagtuturo at maging tulay sila para sa isang maaasahan, at dekalidad na edukasyon para sa ating mga estudyante sa public schools.


Sa ngayon, kapag sinabing public school teachers, mababa lang ang sinasahod. Napakababa ng suweldo pero tambak ang mga trabaho na kadalasa'y dahilan ng kanilang stress at dumaragdag pa sa mga binabalikat nilang problema.


Tinatawag natin silang pangalawang magulang ng ating mga anak, tagapaghulma ng kanilang talino, personalidad at talento, pero pagdating sa usapang suweldo, parang napapabayaan sila ng gobyerno.


At maliban sa panukala nating pagpapataas sa salary grade ng teachers, isinumite rin natin ang isa pang proposed bill na lilikha sa Teacher Education for Achievers (TEACH) program. Nilalayon naman natin dito na magkaroon ng mga well-trained teaching workforce. Sa pamamagitan ng programang ito, mabibigyan ng scholarships ang mga nagnanais na magkamit ng Education degree o sumailalim sa mga pagsasanay na may kinalaman sa edukasyon.


Kasama rin sa mga filed bills natin ang panukalang Teaching Supplies Allowance Act para mapataas ang tinatanggap na allowance ng ating mga guro. Kung sa ngayon ay P3,500 ang natatanggap na allowance ng kada guro, gagawin natin itong P5,000 per school year. Sabi nga natin, isa ang mga guro sa mga dumaranas ng krisis sa pinansiyal kahit pa kandakuba sila sa pagtratrabaho, kaya’t sa munting paraan na ito, sana ay makatulong sa kanila.


Patuloy ang mga pagsusulong natin ng iba’t ibang repormang pang-edukasyon dahil isa sa ating mga adhikain na maiangat ang antas ng Philippine education, kasabay ang paniniguro sa kapakanan ng mga mag-aaral at mga guro.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page