ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 11, 2022
Sinasabing isa sa pinakamaraming kaso sa pag-aayos ng mga dokumento ay ang maling entrada sa birth certificate sa gender o kasarian. Nand’yan ‘yung mga ipinanganak na lalaki pero nairehistrong babae. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Helpline, clerical error lang ang maling gender na puwede sanang itama sa pamamagitan ng pag-file ng petition for correction of gender sa Local Civil Registry (LCR), kung saan nakarehistro ang birth certificate. Ito ay ayon sa batas RA 10172, na naglalayong itama ng mga entrada sa birth o marriage certificates at iba pang dokumento na hindi kailangang gumastos nang malaki. Ngunit sa halip na mapadali o mapamura ang pagtatama ng mga maling entry sa mga nasabing dokumento, tila lalo pang napahirapan ang mga nangangailangan ng corrections.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, isang batikang abogadong humahawak sa pagsasaayos ng mga dokumento, libu-libo ang namumroblema na kung tutuusin ay simpleng pagtatama lamang ng datos sa birth certificate.
Ang kasong ito ang nagpakita ng sangkatutak na requirements at dagdag-gastusin upang maitama ang gender sa birth certificates. Ano nga ba ang mga requirements na kailangan?
1. PSA copy ng birth certificate na may entradang maling gender.
2. PSA Marriage certificate kung kasal.
3. PSA birth certificate ng mga anak ng petitioner.
4. School records
5. Medical records issued by an accredited physician that the petitioner has not undergone sex change or sex transplant
6. No pending case certificate mula sa PNP, NBI or employer
7. 2 valid IDs
8. Affidavit of publication
9. P3, 000 fee
Ayon kay Atty. Inton, kung tutuusin ay hindi dapat ‘matik na i-require ang napakahabang listahan ng mga nasabing requirements. “Maraming ibang dokumento sa civil registry na nagpapatunay ng kasarian ng tao. Halimbawa, ‘yung petitioner ay nanganak na ng limang beses, kailangan pa ba ng medical certificate na hindi siya nag sex change? Ginawa kasi nilang requirement, so, what PSA did was to presume na lahat tayo ay nagpa-sex change na! Dapat kung kitang-kita naman na tunay na babae o tunay na lalaki, grant the correction. Remember CORRECTION of Gender IS NOT changing of gender. Sa Pilipinas ay hindi pa pinahihintulutan ang REASSIGNMENT OF GENDER. If magkakaroon ng batas ay saka nila i-require ang doctor certificate. Pero kung napaka-obvious namang tunay na lalaki o babae sa tingin mo pa lang, aba’y mahirap mag-require pa ng no sex change medical certificate.”
Isa pang requirement ay ang certificate of no pending case. “Ha?! Aba’y ibig bang sabihin na kung may kaso siya ay hindi na niya puwede itama ang gender niya sa birth certificate? Ano ang connection ng gender sa kaso? Kung may kaso bang trespass to dwelling o reckless imprudence resulting to damage to property ay hihintayin pa niyang matapos ang kaso para maitama gender niya? Ano ang koneksyon ng kaso sa pagtatama ng gender?” ani Atty.
Dagdag pa niya, “At para saan pa ang publication? Mahal ang bayad sa publication. At karaniwang may problema sa mga maling entrada sa birth certificate ay mahihirap. Hindi nila kayang magbayad pa ng publication. Sa totoo lang, hindi kasalanan ng may-ari ng birth certificate ang maling entrada sa birth certificate niya. Hindi ba puwedeng padaliin ang requirements at babaan ang fees?”
Tip ni Atty. Inton sa PSA, “Gawin simple ang requirements. Kapag ang petitioner ay personal na nag-appear sa local civil registrar malalaman mo agad ang gender. Only if there is a doubt na saka sila nag require ng additional documents. Halimbawa isang LGBT member na nagpa-sex change.”
Para sa mga indigents, libre naman daw ang processing fee na P3,000 basta may maipasang certificate of indigency. Ngunit diin ni Atty. Inton, “Aba’y lahat ba ng mahirap indigents? Mas marami ‘yun minimum wage earner. They are not indigents but they will have a difficult time raising P3, 000 to P5, 000. So, ‘yun ang sinasabi na certificate of indigency really doesn’t help. JUST CORRECT THE GENDER.”
Kaya naman sa libu-libong dumudulog sa tanggapan ni Atty. Inton, napapanahon nang usisain ng PSA at ng ating mga mambabatas ang tinatawag niyang “pahirap policies” sa pag-correct ng mga entries sa birth certificate at mapadali para sa tao.
Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.
Comentarios