ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 27 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Jamil na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanaginip ako ng bundok at bulkan. Sa bulkan, parang impiyerno na may apoy at lava na kumukulo. Nakita ko ang isang nilalang at sa tingin ko ay isang demonyo dahil may sungay at maitim na mapula ang hitsura niya, tapos kumakain siya ng puso at atay ng tao at ibinibigay niya sa akin ang kanyang kinakain.
Takot na takot ako, tapos nagdasal ako at lumitaw ang isang anghel, tapos kinuha ako at dinala sa bundok kung saan sa tingin ko naman ay langit at sabi sa akin ng anghel, “Dito, hindi ka makukuha ng demonyong ‘yun dahil hindi sya makapapasok dito!”
Napalingon ako sa impiyernong pinanggalingan ko at nakita ko na naging bulkan na nagbubuga ng lava at apoy, tapos bigla akong nagising. Sana ay maipaliwanag n’yo ang ibig sabihin ng panaginip ko. Salamat!
Naghihintay,
Jamil
Sa iyo, Jamil,
Alam mo, ang napanaginipan mong demonyo at impiyerno ay napanagnipan din ni Carl Jung. Si Carl Jung ang nagtayo ng pagamutang pang-psychology o School of Thought na kung tawagin ay Analytical Psychology.
Ganito ang naranasan ni Mr. Jung kung saan napanaginipan niya ang demonyo, may sungay at nangangain ng tao at gusto rin siyang kainin nito. Sa una, natakot din siya, pero naalala niya na ang mga hayop na may sungay at hindi naman kumakain ng karne, kaya hindi totoong kakainin siya ng demonyo.
Sabi niya sa demonyo, “Vegetarian ka, ‘no?” Kasi ang pangunahing pagkain ng mga may sungay ay mga halaman at gulay. Biniro pa nga niya ang demonyo at sabi niya, “Oo, kumakain ka ng puso, pero puso ‘yun ng saging kasi ang saging ay halaman. Oo, kumakain ka ng atay pero atay ‘yun ng malalaking katawan ng punong kahoy, kasi ‘yung pinakagitna ng punong kahoy, ang tawag du’n ay atay din.”
Tapos, ayon kay Mr. Jung, nawala na ang demonyo kasi napahiya dahil hindi tumalab ang pananakot niya.
Dahil dito, huwag kang matakot dahil ang napanaginipan mo ay demonyo na may sungay, hindi ka kakainin nito. Ibig sabihin, tinatakot ka lang ng demonyo at kaya ka tinatakot ay dahil sa mga araw na siya ay iyong napanaginipan, nawawala o nababawasan ang iyong pananampalataya.
Pero dahil ang salitang “pananampalataya” ay panrelihiyon, mas maganda na ang gamitin natin ngayon at para sa iyo ang salitang “tiwala.” Kaya ayon sa panaginip mo, mukhang nawawalan ka ng tiwala sa sarili mo, as in, naduduwag ka sa mga hamon ng iyong kapalaran.
Kaya ang payo, magtiwala ka sa sarili mo, kumbaga, ‘yung usong-uso ngayon na madalas nating marinig, “Tiwala lang,” oo, iha, tiwala lang sa sarili ang kailangan mo. Kapag may tiwala ang tao sa kanyang sarili, ang mga imposibleng bagay ay magiging posible at ang mahihirap na parang hindi niya kakayanin ay tiyak na kakayanin niya.
“Tiwala lang,” subukan mo at gaganda ang iyong kapalaran dahil kapag may tiwala ang tao sa kanyang sarili, siya ay masasabing may tapang at lakas ng loob na harapin ang anumang pagsubok at hamon ng buhay, lalo na sa panahong ito ng pandemya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments