top of page
Search
BULGAR

Pamumuno ni VP Sara sa DepEd, bigyang-suporta

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 28, 2022


Ipinaaabot natin ang buong suporta at pakikiisa sa nakatakdang pamumuno sa Department of Education (DepEd) ni Vice-President-elect Sara Duterte-Carpio upang matugunan nang maigi ang krisis sa sektor ng edukasyon.


Ang pangunahing prayoridad dapat ng DepEd ay ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Gayundin, kailangang tutukan ang pagpapaigting sa performance ng mga mag-aaral sa bansa.


Upang masimulan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon, isinusulong ng inyong lingkod sa Senado ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan, child development center at mga Alternative Learning System (ALS) community learning center. Nais din nating bigyang-diin ang pangangailangan sa mga learning recovery program na tututok sa reading at numeracy para matugunan ang learning loss o pag-urong ng kaalaman.


Batay sa datos ng World Bank, umabot na sa mahigit 90% ang learning poverty sa bansa noong 2021. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng simpleng kuwento.


Ayon sa isang ulat na inilabas ng World Bank, UNICEF at United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) noong 2021, pinangangambahang mas lalala pa ang learning poverty sa mga lower-middle income na bansa, tulad ng Pilipinas dahil sa pagsasara ng mga paaralan.


Kabilang sa mga magiging tungkulin ng panukalang Second Congressional Commission on Education o ang EDCOM II ang pagrekomenda ng pag-unlad ng ugnayan ng mga polisiya at programa ng DepEd, Commission on Higher Education o CHED, at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.


Kumpiyansa tayo na maipatutupad ang mga kinakailangang reporma sa sistema ng edukasyon, kabilang na ang pagrepaso sa K to 12 curriculum upang tutukan ang mga basic skills.


At sa pagpasok ng bagong administrasyon, tututukan natin ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya. Makikipagtulungan tayo sa DepEd upang mabuksan nang ligtas ang ating mga paaralan at matiyak na maihahatid natin sa kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page