top of page
Search
BULGAR

Pampataas ng antioxidant content ang Beet Root Juice

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 20, 2021





Dear Doc Erwin,


Ako ay 40 years old, health fitness buff, at mahilig mag exercise sa gym at lumahok sa sports na cycling. Nairekomenda ng aking gym coach na uminom ng Beet Root Juice upang mas lumakas, ma-enhance ang exercise performance at magkaroon ng endurance sa cycling. Ano ba ang Beet Root?


Makatutulong ba ito sa aking pag-e-exercise at sa aking cycling performance? - Jose SJ


Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang Beet Root ay isang uri ng gulay na tinatawag na “root vegetable”. Bukod sa Beet Root ay kasama ang carrots, radish, horseradish, sweet potato, at turnip. Kumpara sa ibang root vegetable, may kakaibang katangian ang Beet Root, dahil ito ay isa sa mga gulay na may pinakamataas na antioxidant content.


Ang Betalain pigment ang isa sa mga antioxidants na makikita sa Beet Root at ayon sa Encyclopedia of Food and Health na inilathala noong 2016 ay makatutulong ang Betalain upang maiwasan ang cancer base sa mga unang pag-aaral. Ayon sa mga animal research ang Betalain ay nakatutulong upang maiwasan ang lung cancer at skin cancer.


Sa larangan ng physical fitness at sports, nakatutulong ang Beet Root na ma-improve ang athletic performance. Ayon sa Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ng Amerika, ang Beet Root ay pinaniniwalaang nagpapa-dilate ng mga blood vessels dahilan kung bakit mas maraming oxygen ang napaparating sa mga muscles.


Nakababawas din ang Beet Root ng pangangailangan ng mga muscles sa oxygen at pinaniniwalaan din ito ng nagdudulot ng pagtaas ng energy production ng mga muscle cells.


Ayon sa mga research studies, dahil sa Beet Root juice supplementation ay tumataas ang dami ng oxygen na na-absorb ng muscles habang nage-exercise. Sa isang randomized double-blinded research study ng mga researchers mula sa Denmark at Sweden na inilathala sa scientific journal na Nitric Oxide noong January 2019 ay nakatulong ang high doses of Beet Root juice sa athletic performance at endurance ng mga well-trained cyclists. Sa ibang mga pag aaral din ay nag-improve ang performance at endurance ng mga iba’t ibang klaseng atleta – mga rowers, swimmers at runners.


Sa mga pag-aaral ay walang nakitang safety concerns sa Beet Root sa recommended dose na dalawang tasa. Hindi rin ito nakitaan ng anumang adverse effects.


Dahil sa mga nabanggit ay tama ang iyong gym coach sa kanyang rekomendasyon na uminom ng Bee Root upang makatulong sa iyong pag-exercise at sa iyong pagsali sa sports na cycling.


Bukod sa mga benefits ng Beet Root sa athletic performance ay may iba pang health benefits ito. Sa isang artikulo sa scientific journal na Hypertension noong 2014 kung saan pinag-aralan ang epekto ng 250 milliliters (ml) ng dietary nitrates (Beet Root juice) na ibinigay sa loob ng 4 na linggo, nakitaan ng pagbaba ng systolic at diastolic blood pressure ang mga subjects. Kaya’t iminungkahi ng mga researchers ang posibleng paggamit ng Beet Root juice supplementation as adjunctive treatment para sa hypertension.


Isang epekto ng Beet Root at iba pang gulay na mataas sa nitrates katulad ng spinach, lettuce at broccoli, ayon sa isang scientific article sa Nitric Acid journal na nalathala noong January 2011 ay ang pagtaas ng blood flow sa frontal lobe ng brain (utak) ng mga indibidwal na nakakatanda. Dahil sa epektong ito ng Beet Root at iba pang gulay na mataas sa nitrates, sinabi ng mga researchers na makakatulong Beet Root sa pag iwas sa dementia.


Dapat mong malaman na ang Beet Root juice ay maaaring makapagpa-pula ng iyong ihi (urine) at maaari rin ang pag-pula ng iyong dumi (stool). Ang tawag dito ng mga doktor ay “beeturia”. Ayon sa nabanggit na Encyclopedia of Food and Health, nangyayari ito sa 10 hanggang 14 percent ng mga tao na kumakain ng Beet Root o umiinom ng Beet Root juice. Ito ay isang reaction ng ilang indibidwal dahil sa mga pigments na makikita sa Beet Root. Nangyayari ang beeturia dahil sa iba’t ibang dahilan na may relasyon sa stomach acidity, nutritional status, klase ng beet, sa dami ng kinakain o iniinom na Beet Root. Ang beeturia ay pinaniniwalaan na generally safe at harmless idiosyncratic reaction at hindi nakakasama sa kalusugan.


Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page