ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | September 20, 2022
Dear Doc Erwin,
Nabasa ko sa magazine ang pinakabagong pag-aaral tungkol sa olive oil at avocado oil. Dahil sa mga medical terms na ginamit sa nasabing artikulo ay hindi ko naintindihan kung paano nakatutulong ang mga ito upang humaba ang buhay ng tao. Sana ay maipaliwanag n’yo ito upang maintindihan naming mga tagasubaybay ng Sabi ni Doc. - Chris Allan
Sagot
Maraming salamat Allan sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.
Hindi mo nabanggit sa iyong sulat kung ano’ng artikulo at magazine ang iyong tinutukoy ngunit tama ang iyong sinabi na may makabagong pag-aaral na lumabas kung saan nadiskubre ng mga scientists kung paano nagpapahaba ng buhay ang olive oil at ang iba pang oil na may monounsaturated fatty acid o MUFA, tulad ng avocado oil.
Kamakailan, inilathala sa Molecular Cell, isang bantog na scientific journal, ang research study na isinagawa ni Dr. Douglas Mashek, isang professor sa Departments of Medicine at Biochemistry, Molecular Biology and Biophysics ng University of Minnesota at Dr. Charles Najt. Ayon sa research, pinag-aralan nina Dr. Mashek ang oleic acid, isang sangkap na makikita sa olive oil at avocado oil.
Ayon sa research ni Dr. Mashek, ang oleic acid ay nag-a-activate ng SIRT1 enzyme. Matatandaang sa ating mga naunang artikulo tungkol sa longevity na ang SIRT1 enzyme, isa sa mga anti-ageing proteins na ginagawa ng mga longevity genes, na may kinalaman sa pagpapahaba ng ating buhay.
Ina-activate ng oleic acid na nasa olive oil ang SIRT1 sa pamamagitan ng protina na tinatawag na Perilipin 5 o PLIN5. Ang SIRT1 enzymes ay tumutulong sa ating mga cells upang makagawa ng mga compounds na tumutulong na maka-adapt sa stress at humaba ang buhay ng cells. Tumutulong din ang mga SIRT1-activated compounds na magparami ng macrophages na tumutulong naman sa ating immune system na labanan ang mga toxins.
Ayon sa systematic review ng 28 clinical trials sa oleic acid na inilathala sa journal na Advances in Nutrition noong July 2020, ang diet na mayaman sa oleic acid, tulad ng olive oil ay nakababawas ng timbang (weight loss) at abdominal fat.
Sa artikulong isinulat nina Dr. Genevieve Buckland at Dr. Carlos Gonzales sa British Journal of Nutrition noong July 7, 2015, sinabi nilang base sa mga epidemiological evidence, ang regular na pagkonsumo ng mga pagkaing may olive oil ay nakapagpapahaba ng buhay. Sinabi rin nina Buckland at Gonzales na may converging evidence na ang olive oil ay makatutulong na maiwasan ang diabetes, metabolic syndrome at obesity.
Nakitaan din sa mga case-control studies ng anti-cancer properties ang olive oil laban sa breast cancer at digestive tract cancers. Dagdag pa nito, may strong mechanistic evidence galing sa mga experimental studies na tumutulong ang olive oil upang bumaba ang blood pressure (anti-hypertensive), makaiwas sa pagbuo ng dugo (blood clot), anti-oxidant, anti-inflammatory at anticancer action ang olive oil.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.
Sa mga susunod na artikulo sa Sabi ni Doc ay pag-uusapan natin ang iba pang makabagong research studies tungkol sa longevity at ageing at sa ating kalusugan. Maraming salamat sa inyong pagsubaybay.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments