@Editorial | April 14, 2021
Bagama’t nagkabigayan na ng ayuda sa ibang lugar, meron pa ring hindi pa nakatatanggap at idinaraan na lang sa mga post sa social media ang pagpaparinig kay mayor.
Kaugnay nito, aminado naman ang mismong Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naging mabagal talaga sa pagsisimula ng pamimigay ng tulong pinansiyal sa mga apektado ng lockdown sa NCR Plus.
Walong porsiyento lang umano ang kanilang naipamahagi nitong Abril 11. Katumbas ito ng 1.7 milyon sa 22.9 milyon beneficiaries sa NCR, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Halos wala umanong ipinagkaiba sa pamamahagi ng ayuda noong nakaraang taon na naging mabagal sa simula pero, matapos ang apat haggang limang araw ay bumilis naman daw.
Bukod sa mabagal na pamimigay, problema rin ang palpak na listahan. Merong naalis ang ‘head of the family’, kaya kulang ang nailagay sa payroll. Kumakalat din ang post sa socmed na kahit patay na ay nasa masterlist pa rin.
‘Yung mga ganitong pagkakamali o problema ay hindi na sana naulit kung natuto lang sana sa mga nagdaang pamimigay ng ayuda.
Umaasa tayong sakaling makalusot ang Bayanihan 3, kung saan may inaasahang ayuda part 3 ay magiging maayos na ang sistema.
Huwag sana tayong masanay sa palpak na proseso. Walang masama kung gagayahin natin ang ginagawa ng ibang lugar lalo na kung ito’y mas epektibo at ligtas.
Samantala, nilinaw naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pasok na rin ang period ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa cash aid na ibinibigay ng pamahalaan sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Ibig sabihin, wala nang aasahan na karagdagang ayuda ngayong MECQ.
Comentários