@Editorial | August 27, 2021
Pinalawig ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deadline para sa pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila hanggang Agosto 31, 2021.
Umapela umano ang ilang LGUs sa Metro Manila ng dagdag na palugit sa pagkumpleto ng payout dahil sa limitadong manpower bunsod ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Kasabay nito ang pagbati sa ibang LGUs sa NCR dahil umabot na sa 80.96 porsiyento o P9.1 bilyon sa P11.2 bilyong halaga ng ayuda ang naipamahagi na sa mga beneficiary hanggang Agosto 24.
Nangangahulugan itong walo sa 10 indibidwal ang nakatanggap na ng ayuda. Bagay na masasabing naging mas mabilis at maayos na ang pamimigay.
Una nang binigyan ang mga LGUs ng 15-araw upang makumpleto ang payout. Nagsimula ang distribusyon noong Agosto 11 at matatapos dapat noong Agosto 25.
Bagama’t hindi kinaya na matapos sa itinakdang petsa, ang mahalaga ay tuluy-tuloy ang pamimigay ng ayuda at nasusunod ang minimum public health standards sa gitna ng pandemic.
Mahirap namang may matanggap ngang ayuda, may maiuuwi namang sakit, mapupunta lang sa gamot ang ipinila.
Samantala, kung may mga kababayan tayong nakatanggap na ng tulong, may iba namang umaasang mabibigyan din. Napag-alamang may mga naninirahan sa liblib na lugar na apektado rin ng pandemya. Malayo man sa banta ng COVID-19, pero hindi sa gutom.
Apektado rin ang kanilang kabuhayan, lalo na silang mga umaasa sa pagbebenta ng pananim na dahil sa lockdown ay hindi nila naibababa sa bayan. Wala silang magawa kundi ang ibenta na lang nang palugi ang kanilang produkto.
Sana, mabigyan din sila ng pansin at agad na masaklolohan.
Lahat ay apektado ng pandemya, lahat ay dapat tulungan at magtulungan.
Comments