top of page
Search
BULGAR

Pamimigay ng ayuda, mas mapapabilis gamit ang teknolohiya

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 24, 2023


Isa sa mga naging layunin ko nang ako’y maging lingkod bayan ay ang mas ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. Kaya sa ginanap na pagdinig noong Mayo 22 ng Senate Committee on Science and Technology, bilang isa sa may-akda ng E-Governance Bill, binigyang-diin ko sa aking manipestasyon na ang red tape sa mga ahensya ng pamahalaan ang isa sa laging problema sa loob ng mahabang panahon.


Nauubos ang pera, panahon at lakas ng ating mga kababayan para lang makakuha ng kahit ordinaryong dokumento, permit o magkaroon ng access sa public information. Sa tagal ng proseso, inaabot minsan ng mahigit isang buwan bago pa magkaroon ng resulta.


Para sa akin, ang gobyerno ay dapat na laging handang tumugon sa mga pagbabago ng panahon. Ito ang dahilan kaya isinumite ko ang panukalang E-Governance Act, na una ko nang nai-file noong 18th Congress.


Nagpapasalamat din ako kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ginawa itong priority measure at nabanggit sa kanyang unang State of the Nation Address.


Kung maipasa at magiging ganap na batas, itatakda nito ang pagtatayo ng pinalawak at magkakaugnay na information and resource-sharing and communications network na sakop ang national and local governments. Magkakaroon din ng internal records management information system, information database at digital portals, at isusulong ang digitization ng paper-based workflows—para bukod sa mas mabilis na nga ay transparent pa ang paghahatid ng serbisyo publiko. May malaking papel dito ang Department of Information and Communications Technology, na tututok dito.


Sa pribadong sektor, nag-adjust na ang mga negosyo gamit ang e-commerce at e-banking platforms para mapabuti ang kanilang mga serbisyo. Ngayon na rin ang tamang panahon na gawing prayoridad ng gobyerno ang digital transformation. Dapat na ang karamihan sa application para sa dokumento na mula sa gobyerno ay pwede nang online.


Sa isang online government portal, dapat ay naroon na ang lahat na kailangan ng ating mga kababayan gaya ng pagkuha ng NBI clearance, birth certificate, business permit, at iba pa. Mas maganda rin kung magiging available ang public directory ng buong gobyerno kasama ang kanilang contact details para mas maging madali sa ating mga kababayan na lapitan ang gobyerno.


Sa ganitong paraan, magiging episyente ang mga serbisyo ng pamahalaan.


Kung matutugunan at maha-harmonize ang impormasyon na mayroon tayo para mabigyan ng mabilis at angkop na serbisyo ang mga tao, maiiwasan na natin ang nangyari noong panahon ng pandemya na natagalan ang pagbibigay ng ayuda dahil sa manu-manong pagproseso ng database mula iba’t ibang ahensya.


Marami tayong natutunan noong pandemya kung paano mag-adapt sa panahon gamit ang teknolohiya na mayroon tayo. Napilitan tayong mag-adjust at gumamit ng iba’t ibang information technology applications para lang makapaghatid ng tulong sa mga tao at matiyak na hindi mahihinto ang serbisyo lalo pa at may mga ipinatutupad na restriksyon noon.


Kaya gamitin natin ang teknolohiya para maisaayos ang serbisyong ibinibigay natin at maihatid kaagad ang tulong lalo na sa mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang gobyerno sa mga tao, bibilis ang paghahatid ng serbisyo at magkakaroon din sila ng daan at paraan para maiparating ang kanilang mga karaingan.


Kung maisabatas, hangarin natin na ang E-governance ay magiging susi tungo sa mas maayos na pamamahala, at tulay para mailapit sa tao ang gobyerno. Maganda man ang hangarin nito, napakaimportante rin na maipaintindi ito sa mga taong dapat makinabang dito. Naiba na po ang panahon sa ngayon, at marami na pong natututong gumamit, at marami pa rin pong dapat turuan kung paano gumamit. Marami pa sa atin ang nangangapa pa po kung paano gamitin itong digital system sa panahon ngayon.


Huwag nating hayaang maiwan sila sa progresong ating inaasam.


Sa kabila naman ng ating pagiging abala sa Senado, hindi natin kinaliligtaan ang paglapit sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa at magkaloob ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Kahapon, May 23, binisita natin at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente ng Brgy. Maybunga, Pasig City. Nagpadala rin tayo ng mensahe sa ating mga atleta na lalahok sa 12th Asean Para Games.


Bumisita naman tayo sa Gapan City, Nueva Ecija noong May 22 at nag-abot ng tulong sa 1,663 mahihirap na residente at ilang biktima ng sunog mula sa Gapan City, Cabiao at Peñaranda.


Nakarating naman ang aking relief team sa Llanera sa nasabing lalawigan, at pinagaan ang dalahin ng 81 mahihirap na residente; habang 233 naman ang nabigyan ng ayuda sa Maria Aurora sa probinsya ng Aurora.


Napakahalaga ng epektibo at maayos na serbisyo ng gobyerno para sa isang bansa at mga mamamayan nito. Dapat ay napapamahalaang mabuti at nagagamit nang maayos ng gobyerno ang resources nito, at tiyakin na nakararating sa mga tao nang hindi naaantala o nasasayang. Ito po ang isa sa ating mga adhikain na ating ipinaglalaban, dahil para sa akin, hindi dapat pahirapan ang mga Pilipino, at sa halip ay ilapit sa kanila ang serbisyo.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

1 comment

1 Comment


judysapon585
Jun 15, 2023

Sana matulungan nyo po kmi at matawagan 09602644678

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page