ni Anthony E. Servinio @Sports | May 9, 2024
Pamilyang Filipino ang pangunahing dahilan bakit umabot ng 60 taon ang pagtataguyod ng MILO ng sports sa Pilipinas. Iba ang usapan kapag ito ay pamilya ng mga matitinik na atleta tulad ng Pamilya Sison noong MILO Marathon Metro Manila Qualifier noong nakaraang Abril 28 sa Mall of Asia.
Una rito si Mommy Jo na lumikha ng ingay sa kanyang pagbabalik sa takbuhan at pumangatlo sa 10 kilometro habang umakyat din sa entablado si Kuya Caleb Ethan na nagtapos ng pang-9 sa isang kilometro para sa mga kabataan edad 12 pababa sa oras na 5:22 bilang isa sa pinakabatang kalahok.
Hindi nagpahuli si Daddy Troy at lumahok sa kanyang unang opisyal na Half-Marathon at muntikan na pumasok sa Top Ten subalit mahalaga ay sapat ang oras para mapabilang sa National Finals ngayong Disyembre sa Cagayan de Oro.
Tinapos ni Jo ang karera sa 50:55 at hinigitan lang ng mga mas batang sina kampeon Anisha Caluya (48:03) at Patricia Paglicauan (49:56). Hindi siya masyadong nakatakbo sa mga nakalipas na taon upang alagaan sina Caleb Ethan at ang bunso na si Cleo Elisha.
Unang nagkakilala sina Troy at Jo noong sila ay naging mga iskolar sa Athletics varsity ng Polytechnic University of the Philippines. Nagbunga ang kanilang pag-ibig kaya hindi nakakapagtaka kung saan nakuha ng anak ang husay sa pagtakbo.
Upang itaguyod ang bagong pamilya, nagbenta sa online si Troy ng sapatos pangtakbo na kung minsan siya mismo ang nagde-deliver gamit ang bisikleta. Kung may panahon, sumasali rin siya sa mga fun run at nagbabakasakali na makapag-uwi ng kaunting gantimpalang salapi.
Ayon kay Troy, sumasabay siya sa mga nangunguna hanggang ika-7 kilometro at tuluyang nagtapos ng ika-12 sa oras na 1:32:50. Ngayon, titingnan niya kung paano mag-ipon upang makatakbo sa National Finals kaya tuloy ang laban ng pamilya hindi lang sa mga fun run kundi sa karera ng buhay.
Comments