ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 14, 2021
Dear Sister Isabel,
Matagal nang gumugulo sa aking isipan ang problemang dinadala ko sa kasalukuyan.
Umiibig ako sa isang tao na alam kong may asawa at mga anak na. Nagmamahalan kami at lihim na nagkikita. Gayundin, masaya kami kapag magkasama at halos hindi namin pansin ang mga problemang sasapitin sa sandaling mabulgar ang aming lihim.
Minsan ay naiisip kong huwag nang ipagpatuloy ang aming relasyon dahil may pagkakataong inuusig ako ng aking konsensya. Alam kong kasalanan ito at alam ko ring walang lihim na hindi nabubunyag. Ano ang maaari kong gawin?
Noong mga nakaraang araw, napag-isip-isip ko na lumagay na sa tamang landas ng buhay. Batid ko na makakatagpo ako ng lalaking walang sabit at mamahalin ako kahit malaman niya ang aking nakaraan. Sana ay matulungan n’yo ako at magabayan kung ano ang dapat kong gawin.
Gumagalang,
Arlene ng Roxas City
Sa iyo, Arlene,
Mabuti naman at napag-isip-isip mo na mali ang napasukan mong relasyon. Huwag mo nang hayaan pang lumala ito at mataranta ka sa dapat gawin. Ngayon pa lang, unti-unti mo nang sanayin at pigilan ang sarili mo sa pakikipagkita sa karelasyon mo na may pamilya na. Wala itong mabuting maidudulot sa buhay mo kundi pansamantalang kaligayahan lamang.
Gayundin, mahirap mabuhay nang nakikihati lang sa pagmamahal ng taong iyong minamahal.
Bukod sa katotohanang ito ay mortal na kasalanan, hindi tanggap sa lipunan at lalong hindi tanggap sa mga mata ng Diyos.
Sa simula ay mahirap gawin, subalit sa pagdaan ng mga araw, malalagpasan mo rin ang lungkot na maidudulot nito sa puso mo. Kumilos ka na ngayon at lumagay ka na sa tamang landas bago pa mahuli ang lahat. Alalahaning ang pagsisisi ay palaging nasa huli. Layuan mo na ang karelasyon mo at mamuhay nang naaayon sa tamang landas ng buhay at natitiyak ko na kapag nagawa mo ito, mapasasaiyo ang mga pagpapala ng Dakilang Lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
תגובות