ni Ador V. Saluta @Adore Me! | August 22, 2024
Sa isa namang post sa Yan-Link noong August 21, nakasaad na ang girlfriend umano ni Carlos Yulo na si Chloe San Jose ay aliw na aliw na nagpa-pictorial sa bagong condo ng gymnast sa Megaworld, Taguig City.
Sa nasabing post, ibinida muna niya ang kanyang bagong hair color, na mula sa goldilocks na kulay, nagpalit ito sa “milk tea” color.
Pinintasan kasi ng maraming netizens ang dating kulay ng kanyang buhok na tinawag na “Agua Oxigenada”.
Sabi ni Chloe sa kanyang post sa pagpapalit ng kanyang hair color, “Goldilocks is out, milk tea in.”
Kaagad namang nagkomento ang boyfriend nitong si Carlos sa mga photos na ipino-post ng nobya, “Grabe! Napakaganda mo, mahal ko!"
Matatandaang tila nagpahaging umano si Angelica sa anak na si Carlos na baka “nakulam” ito ni Chloe kaya nagbago ang pakikitungo sa kanila.
Napansin din ng ilang netizens na lahat ng larawan ni Chloe ay sa loob mismo ng bagong condo unit ni Caloy sa McKinley Hill sa Taguig City na regalo sa gymnast ng Megaworld sa napanalunan nitong 2 gold medals sa nakaraang Paris Olympics.
Marami tuloy ang nagtatanong kung si Chloe San Jose ba ang kanyang ititira roon.
Sey ng isang netizen, “Dapat lang! Alangan namang 'and’yan si Mader ‘pag magkasiping sila?”
Pag-agree naman ng isa pa, “Bente-kuwatro na si Carlos, puwede nang mag-asawa. Saka na-fully-paid na ni Carlos ‘yung dati nilang bahay ng nanay n’ya, bakit pati condo, kailangan sa kanya?”
Kontra naman ng isang netizen, “Condo ni Yulo ‘yan, 'noh! Dapat magulang ni Yulo ang nand’yan.”
“Ha, saan galing ‘to?” ‘yan ang agad na sambit ni Vice Ganda sa isang netizen na pinaratangan siyang hindi pinapaboran si Carlos Yulo, ang two-time Paris Olympics gold medalist, kontra sa hidwaan nila ng ina nitong si Angelica Yulo dahil sa isyung pera na ginastos umano ng ina na walang pahintulot mula sa gymnast.
Ani Vice, “Never akong nagbigay ng opinyon sa isyu ng pamilyang ‘yan dahil mas gusto kong i-celebrate ang tagumpay ni Carlos Yulo kaysa makisawsaw sa eksena ng pamilya niya.”
Kuwento pa ni Vice, nagulat na lang siya nang bigla siyang i-call out ng ilang netizens sa X (dating Twitter) dahil pumanig diumano siya kay Angelica Yulo sa isyu nito sa anak.
Nangyari ito noong August 20, Martes, dahil sa naging pahayag ni Vice sa video clip mula sa episode ng EXpecially For You ng It’s Showtime (IS), kung saan sinabi ng searcher na nagngangalang KY na pakiramdam niya ay hindi siya at home sa sarili nilang tahanan.
Kabaligtaran sa sinabi ng searcher, ang kanyang ex-boyfriend ay okey pa rin sa kanyang sariling pamilya.
Kuwento ni KY, “Meron akong family, pero I don’t feel at home.”
Natanong tuloy ni Vice kay KY, “Alam ba ng pamilya mong ganyan ang tingin mo sa kanila?”
Sagot ni KY, “Actually, opo. Recently lang din po ako naging open. Na growing up, ganu’n po ‘yung nararamdaman ko.”
Singit na tanong naman ng co-host ni Vice na si Ogie Alcasid, “Inaayos n’yo na ngayon ‘yung relasyon ninyo?”
Sagot ng searcher, “With my mom, opo.”
Nasabi tuloy ni Vice, “Mahirap ‘yung ‘di ka okey sa family, napakahirap. Napakahirap na problema ‘yan. Oo, ‘yan ‘yung problema ng parang hirap na hirap kang solusyunan at gawan ng paraan. Mas parang… kung iisipin mo, mas mahirap pa ‘yan sa makakuha ng gold sa Olympics, ‘di ba? ‘Pag may problema ka sa pamilya mo, ‘yan ‘yung problema ng parang ang hirap-hirap dalhin.”
Ayon naman kay KY, “Pero... pero minsan po kasi sa ibang family, parang ‘di applicable ‘yung ganu’n. Na parang... if they were parang nagiging... nai-slow down ‘yung progress mo sa buhay dahil sa kanila, parang you have to let it go. Kasi, depende rin po sa sitwasyon mo.
Kasi sabi ko nga, hindi naman lahat ng bata, lumaki sa pamilya na supportive, na open.”
Pakli ni Vice, “Sorry, ha? Hindi ako naniniwala na you can let go of your family.”
Samantala, may isa pang netizen ang nag-assume na base sa napanood na video ay kumpirmado raw na kampi si Vice sa ina ni Carlos Yulo.
Sabi ng netizen, “CONFIRMED. Vice supports Angelica’s side nga. I’m so disappointed in you @vicegandako.
“I hope Carlos Yulo doesn’t bother to guest sa Showtime. #ShowtimeBestPick.”
Ipinagtaka ito ni Vice kaya naman nag-post siya sa X upang linawin na wala siyang ibinigay na opinyon tungkol sa family issue ng world-class gymnast.
Comments