ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 24, 2023
Sadyang napakatibay ng koneksyon na nag-uugnay sa mag-ina, maging sa buhay na ito o sa kabilang buhay. Ang kawalan ng kapanatagan ng yumaong si Reymarc Rabutazo, 18, na dating estudyante at pinaniniwalaang namatay dahil sa hazing ay ramdam na ramdam ng kanyang ina na si Gng. Marycarh Rabutazo ng Laguna, sa tila pinagsasaluhan nilang mag-ina ang damdamin na parehong bumabaon nang hindi mapantayang hapdi sa kanilang mga dibdib.
Napakasakit para sa isang ina na mawalan ng anak, sapagkat inalagaan at minahal niya ito nang lubos. Ang hangarin ng isang ina ay palaging nasa maayos na kalagayan ang kanyang anak. Ito ang laman ng kanyang mga dasal sa araw-araw na dumaraan. Kaya ang pagkawala ng isang anak ay nagbibigay ng labis na kalungkutan para sa isang ina, tulad ni Gng. Marycarh Rabutazo. Aniya, “Sobrang sakit, nagsosolo naming anak iyon. Humantong sa time na gusto ko nang magpakamatay.
Dinadaan ko na lang sa pagdadasal at pagsisimba-simba. Dumaan ang COVID-19, hindi man lang siya nagkasipon, hindi nagkasakit, tapos ito ang mararanasan niya.”
Nang makita niya si Reymarc sa isang ospital sa Pakil, Laguna, diumano ito ay isa nang malamig na bangkay. Ang trahedyang sinapit ni Reymarc ay nagsimula noong Marso 19, 2022. Nang araw na ‘yun, bandang alas-4:00 ng hapon, nagpaalam si Reymarc na pupunta siya sa kanyang lola na si Nanay Abet. Napag-alaman mula sa mga testigo na sa kaparehong petsa ng Marso 19, 2022 ang unang araw ng hazing rites ng isang fraternity na sasalihan diumano ni Reymarc.
Kinabukasan, Marso 20, 2022, alas-5:00 ng hapon, marami nang missed calls at chats si Gng. Rabutazo, na isinugod sa ospital sa Pakil, Laguna si Reymarc, mas kilala sa palayaw na “RR”. Pagdating ni Gng. Rabutazo sa nasabing ospital, patay na ang pinakamamahal niyang anak.
Ayon sa medico-legal report ang cause of death ay subdural hemorrhage secondary to blunt head trauma.
Kaugnay sa nangyari kay Reymarc, nakasampa na sa Regional Trial Court, Branch 91 ng Sta. Cruz Laguna, ang kaso na violation ng Anti-Hazing Act. laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa hazing. Labing-dalawa na ang nakakulong, samantalang may inihahabol pa na tatlong sasampahan ng kaso batay sa karagdagdang testimonya ng mga testigo. Sila ang mga opisyales ng nasabing fraternity. Samantala, ang cellphone ni Reymarc ay nawawala at hindi na naibalik. Ang gadget na ito sana ay mapagkukunan ng mga impormasyon na magbibigay-linaw, magsisilbing matibay na ebidensya, at magiging isa sa mga susi na makapagbubukas ng pinto tungo sa katarungang ipinaglalaban para kay Reymarc.
Matibay ang paninindigan ni Gng. Rabutazo na nararapat managot ang mga sangkot sa kamatayang sinapit ng kanyang anak. Kaya nagpasaklolo siya sa inyong lingkod at sa Public Attorney’s Office (PAO) na agad naming tinugunan, at patuloy na tinutulungan si Gng. Rabutazo at kanyang pamilya. Sarado na ang pintuan ng aming Tanggapan sa mga nais singilin ni Gng. Rabutazo – mula sa amin ay walang tulong na maaasahan ang mga nambugbog, pumaslang, gumawa ng krimen laban kay Reymarc. Ito ay ayon sa first come-first served basis na polisiya ng PAO. Bilang Punong Manananggol Pambayan ay kailangan kong ipatupad ang mandato ng aming tanggapan na hawakan ang mga criminal cases kahit na ‘yung may malakas na ebidensya ng pagkakasala sa batas. Kung may sala, tamang parusa lamang ang dapat na maibigay sa kanila, at kung wala naman, dapat na sila ay lumaya.
Ngunit sa kaso ni Reymarc at iba pang tulad nito na mga kaso ng pambubugbog at pananakit na sadyang nakamamatay, aaminin ko na bilang isang ina rin, ako ay nagpapasalamat na ang aming tanggapan ay may first come-first served basis policy na ngayon ay legal na dahilan upang ang mga kaso ng sangkot sa hazing ay huwag na naming mahawakan. Puso sa puso – ina sa ina, ang aking masasabi, “Paano kung anak mo iyong pinatay sa hazing? Hindi napatay iyan, pinatay!”
Abangan dito sa Daing Mula Sa Hukay ng BULGAR ang marami pang mga magulang at kamag-anak na naglalakas-loob na humanap na hustisya laban sa kamatayan sa hazing.
Comentarios