top of page
Search
BULGAR

Pamilya ng 14-anyos na namatay sa Dengvaxia, nangangamba sa 2 pang kaanak na naturukan din ng bakuna

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 22, 2021


Tila wala nang katapusan ang pag-aalala at wala nang paghilom ang mga sugat sa puso ng mga mahal sa buhay ng mga biktima ng Dengvaxia. May mga pagkakataon kasi na hindi lamang natatapos sa isang kapamilya ang problemang nasusuungan nila na pinaniniwalaan nilang may kinalaman sa nasabing bakuna. Kabilang dito ang pamilya nina G. Lorimer Laylay at Gng. Mary Ann Molina ng Las Piñas. Mga bata sa dalawang henerasyon ng pamilya nila ang naturukan ng Dengvaxia, ang kanilang yumaong anak na si Razel Lalaine Laylay, ang isa pang anak na si Rayvin Luther Laylay, at apo na si Raiza Lorraine Laylay. Bukod sa patuloy nilang pagdadalamhati sa namatay na anak, nasabi rin nila na, “Labis din ang pag-aalala namin dahil ang isa pa naming anak na si Rayvin Luther na mayroon ngayong lagnat, at ang aming apo na si Raiza Lorraine Laylay ang naturukan din ng naturang bakuna. Nag-aalala kaming maaaring mangyari rin sa kanila ang nangyari kay Razel.”


Si Razel, 14, ay binawian ng buhay noong Setyembre 15, 2018. Siya ang ika-86 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Razel ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 23, 2017 sa chapel ng kanilang barangay sa isang compound sa Las Piñas. Matapos siyang maturukan, siya ay nangayayat at naging sakitin. Noong Nobyembre 2017, napansin ito ng kanyang mga magulang. Enero at Pebrero 2018, nagreklamo si Razel ng pananakit ng ulo at tiyan at nagsusuka rin siya. Nang mga panahon na ‘yun, dalawang beses siyang dinala ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Las Piñas at nakitang mayroon siyang Urinary Tract Infection (UTI). Niresetahan siya ng antibiotic at pinauwi rin. Bumuti ang kanyang kalagayan nang makainom siya ng antibiotic at umayos ang kanyang kalagayan sa sumunod pang mga buwan. Gayunman, pagsapit ng Setyembre 2018, lumala ang kanyang kondisyon na humantong sa kamatayan. Narito ang ilan sa kaugnay na mga detalye:

  • Setyembre 5 - Pabalik-balik ang kanyang lagnat, masakit din ang kanyang tiyan, nagsusuka at nagtatae.

  • Setyembre 7 - Dinala siya sa kanilang barangay health center. Pagkatapos ng pagsusuri, nalaman na negative siya sa dengue. Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi, nagpumilit siyang dalhin sa ospital dahil ayon sa kanya, hindi na niya makayanan ang sakit ng kanyang ulo at tiyan, at nagsusuka siya. Dinala siya sa ospital sa Las Piñas na dati na ring pinagdalhan sa kanya. Napag-alamang may dengue siya dahil bumagsak sa 73 ang kanyang platelet count. Walang bakanteng kuwarto sa nasabing ospital kaya hindi siya na-admit. Binigyan sila ng referral para mailipat siya ng ospital.

  • Setyembre 8 - Na-admit si Razel sa isang ospital sa Muntinlupa. Hindi nawala ang kanyang lagnat, pananakit ng ulo at tiyan, pagtatae at pagsusuka sa mga sumunod na araw. Nagkamanas na rin ang kanyang mga paa at siya ay nagreklamo ng pananakit ng tagiliran at likuran.

  • Setyembre 12 - Bumagsak sa 15 ang kanyang platelet count. Nakiusap ang kanyang mga magulang sa ospital na salinan siya ng dugo, subalit ang stock nila ay nakalaan lamang sa mga residente ng Muntinlupa, kaya agad na naghanap ng dugo ang kanyang pamilya.

  • Setyembre 13 - Sasalinan sana siya ng dugo, ngunit dahil tumaas sa 22 ang platelet count niya, ipinagpaliban ito. Nanginig at nagdeliryo si Razel, kung anu-ano ang mga binabanggit niya na hindi maintindihan at nang araw din na ‘yun, inilipat siya sa ICU.

  • Setyembre 14 - Tumaas sa 47 ang platelet count ni Razel, alas-7:00 ng gabi, in-intubate siya at lalong lumala ang kanyang kondisyon.

  • Setyembre 15 - Dakong alas-3:00 ng madaling-araw, sinalinan siya ng platelet, alas-11:00 ng umaga, napansin ni Aling Mary Ann na wala nang pulso si Razel. Sinubukan siyang i-revive, subalit tuluyan na siyang pumanaw, alas-12:30 ng tanghali.


Sa kaso ni Razel, nangyari na naman ang palipat-lipat ng ospital, nagpapakita lamang ito ng kakulangan sa ating serbisyong pangkalusugan. Nakadagdag pa rito ang isyu ng pagbibigay ng stock na dugo ng ospital sa mga residente lamang ng partikular na lugar kung saan nakatayo ang nasabing ospital. Sa mga nasabing pangyayari, nabigyang-diin din ang kakulangan ng “sense of urgency” maging sa mga emergency cases. Dahil dito, ang mga biktima ay muling nagiging biktima. Kung may nangyari nang pagkukulang, lalo na kung may matinding kapabayaan, nararapat lamang na bumawi ang mga kinauukulan sa ibang aspeto o paraan upang makagaan sa mga alalahanin ng apektadong pamilya na may nais mailigtas.


Sa tindi ng sama ng loob, ayon sa ulat ni Miss Annie Gabito na Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Coordinator, ang ama ni Razel ay inatake sa puso at binawian din ng buhay. Magkasama na ang espirito ng mag-ama sa kalangitan, ngunit ang lupang katawan ay babalik na sa alabok ng lupa. Sobrang lungkot ng PAO Forensic Team, VACC at Samahan ng Mga Magulang Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMBD) sa pangunguna ni Mrs. Sumachen Duminguez. Lalo pa na ang daing ng mga survivors at nalibing sa hukay ay walang humpay sa paghingi ng hustisya.


Sana, hindi na maulit sa ating kasaysayan ang malagim na pag-eksperimento gamit ang hindi pa subok na kemikal, lalo pa at patuloy ang pag-alulong ng mga aso hanggang ngayon sa aming kapaligiran.


Hindi na nailigtas sa bingit ng kamatayan si Razel — ang kanyang pamilya na naulila ay nasa panibago at mapanghamong yugto ng pakikipaglaban ngayon. At dito ay hiningi nila ang tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO Forensic Team. Ang kolektibo at masigasig na pagtugon ng aming Tanggapan ay inaasahan namin na aani o magbubunga ng pinakaaasam na hustisya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page