top of page
Search
BULGAR

Pamilya ng 12-anyos na namatay sa Leukima, kumbinsidong Dengvaxia ang ikinamatay

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 13, 2023


May mga nakatatanda tayong nariringgan ng kasabihang, “Ang kapalaran ni Juan ay iba sa kapalaran ni Pedro.” Totoo namang magkakaiba ang kapalaran ng mga tao, ngunit may mga aspeto sa buhay na nagkakaroon ng pagkakatulad ang ilang tao.


Ang posibilidad ng pagkakaroon ng magkaparehong tadhana, partikular sa problemang pangkalusugan at trahedyang dulot nito sa dalawa niyang mga anak na sina Darwen P. Racal at Dave Paredes ang ipinag-aalala ni Gng. Junalyn R. Paredes ng Cebu. Parehong Dengvaxia vaccinees sina Darwen at Dave. Si Darwen ay yumao na at si Dave ay nagsisimulang makaramdaman ng mga sintomas.


Si Darwen, 12, ay namatay noong Agosto 19, 2017. Siya ang ika-141 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Certificate of Death, si Darwen ay namatay dahil sa “Hypovolemic Shock Secondary To Acute Blood Loss (Immediate Cause), Malignant Neoplasm Of Lymphoid, Hematopoietic And Related Tissue, Unspecified, (Antecedent Cause), Pediatric Community Acquired Pneumonia High Risk With Hypoxia (Other Significant Conditions).”


Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan noong Hunyo 2017. Gayunman, ayon sa kanyang ina, walang ibinigay na Dengvaxia immunization card sa kanya si Darwen. Aniya, “Nalaman ko lamang na siya ay nabakunahan nang banggitin niya ito sa akin.” Sinabi rin niya sa kanyang salaysay na, “Noong panahon na naturukan siya ng Dengvaxia, si Darwen ay nakatira sa Cogan, Cordova, Cebu kasama ang kanyang lola na si “Bingbing” Racal, ina ng dati kong live-in partner na si Darius Racal. Ang aking anak ay dumadalaw lamang sa akin tuwing Sabado ng umaga.”


Narito ang mga naging karamdaman at pinagdaanang hirap ni Darwen noong Hunyo 2017 na may kaugnayan sa kanyang pagkakasakit hanggang sa siya ay pumanaw noong Agosto 19, 2017.

  • Hunyo, ikalawang linggo - Si Darwen ay laging may lagnat, at masakit ang ulo at ngipin. Pinayuhan siya ni Gng. Junalyn na uminom ng gamot para gumaling siya na sinang-ayunan naman niya.

  • Hulyo - Matapos ang dalawang linggo na hindi siya bumisita kay Gng. Junalyn, nalaman niya kay Lola Bingbing na si Darwen ay isang linggo nang nasa isang ospital sa Cebu at agad niya itong pinuntahan.

  • Hulyo 12 at 13 - Nagdurugo ang kanyang gilagid. Siya rin ay balisa at parang nababaliw. Masakit ang kanyang ulo, may lagnat siya at nagsusuka ng kulay brown. Ipinaalam ng doktor kay Gng. Junalyn na maaaring dengue ang sakit ni Darwen, at kailangan siyang masalinan ng dugo. Pumayag naman sa nasabing prosesong medikal si Gng. Junalyn. Kinabukasan, sinabi ng doktor na may leukemia si Darwen at kailangang kunan ng fluid sa bone marrow para makasigurado, pero hindi ito natuloy dahil mahinang-mahina ang kanyang katawan.

  • Agosto 6 - Dahil sa kahilingan ni Darwen na lumabas ng ospital, pumirma si Gng. Junalyn ng waiver para mailabas siya sa ospital. May mga gamot na ibinilin sa kanya ang doktor. Si Darwen ay bumalik sa kanyang lola, at binibisita naman siya ng kanyang ina araw-araw. Minsan, napansin ni Gng. Junalyn na humihina ang katawan ni Darwen at nangingitim ang mga kuko niya. Palagi rin niyang inirereklamo ang sakit ng kanyang dibdib at tiyan; ang pinakagrabe niyang reklamo ay ang pananakit ng ulo na parang binibiyak sa sakit. Nasisilaw din siya sa ilaw at namamaga ang kanyang kanang mata.

  • Agosto 17 - Hindi na siya makapagsalita, mahinang-mahina ang katawan, at hindi na makatayo, kaya ibinalik siya sa ospital. Pagdating sa emergency room, agad siyang nilagyan ng swero at oxygen dahil hindi na siya makahinga. Nag-request pa ang doktor na masalinan si Darwen ng white at red blood cells, kaya bumili ng tig-limang bags ng mga ito si Gng. Junalyn.

  • Agosto 19 - Hindi na tinatanggap ng katawan ni Darwen ang dugong isinasalin sa kanya. Pinatanggal ni Gng. Junalyn ang bag ng dugo dahil ayon sa doktor ay hindi na kaya ng kanyang mga ugat na tumanggap ng dugo. Pagkatapos ng isang oras, may lumabas na dugo sa bibig ni Darwen, kasabay ng matinding pananakit ng kanyang ulo. Minasahe ni Gng. Junalyn ang kanyang ulo, may lumabas ding dugo rito. Hirap na siyang huminga; tuwing siya ay humihinga, may lumalabas na dugo sa kanyang bibig. Bago mag-alas-2:00 ng hapon, hindi na siya kumikilos. Pinilit siyang gisingin ni Gng. Junalyn, pero hindi na siya gumising. Tinanong ng doktor si Gng. Junalyn kung ipapa-revive pa si Darwen, ngunit itinanong ng una sa doktor kung mabubuhay pa si Darwen kung ire-revive. Nang sabihin na hindi na rin siya mabubuhay, hindi na pumayag si Gng. Junalyn na i-revive ang kanyang anak dahil aniya, “Ayaw ko nang lalo pa siyang mahirapan.” Pumanaw si Darwen, alas-2:00 ng hapon nang petsang ito.


Ayon pa kay Gng. Junalyn, “Noong hindi pa natuturukan si Darwen ng sinasabi nilang bakuna kontra dengue ay malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksi kumilos. Palagi siyang nananalo sa mga paligsahan sa pagtakbo sa kanyang eskuwelahan. Wala siyang naging sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay. Ang hindi ko maintindihan ay kung paano siya nagkaroon ng leukemia na sinabi ng doktor noong nasa ospital pa kami. Kabaligtaran ‘yun sa liksi niyang klase ng bata. Ako ay naniniwala talaga na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanya na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH).”


Tulad ng nabanggit na sa artikulong ito, ang isa pang anak ni Gng. Junalyn na si Dave ay nakakaramdam na rin ng mga sintomas, tulad ng pananakit ng ulo at lagnat. Habang inaasikaso ni Gng. Junalyn ang medikal na pangangailangan ni Dave, patuloy niya ring inihahanap ng katarungan ang trahedyang sinapit ni Darwen sa tulong ng PAO at PAO Forensic Team.


Isa na naman si Darwen sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na hindi nabigyan ng immunization card. Bagay na dahilan kung bakit ang kaso ng ilan sa mga biktima ng Dengvaxia ay pinawawalang-bisa ng Department of Justice (DOJ). Nagdusa na si Darwen dahil sa kanyang pagkabakuna ng eksperimentong Dengvaxia. Nawa ang kanyang naging kasawian ay mabigyan ng hustisya. Ipaglalaban ito ng aming tanggapan hanggang sa tuluyang makamit ni Darwen at Dave ang hustisyang nauukol para sa kanila. Karangalan naming maging bahagi ng laban ni Gng. Junalyn at mga tulad niyang patuloy na lumalaban para sa hustisya ng mga mahal sa buhay na nasawi sa isang trahedya.

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page