ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 17, 2021
Dear Sister Isabel,
Sa edad na 67, ako ay biyuda na pero sa totoo lang, mukha akong bata pa at marami pang na-a-attract sa akin na mas bata at halos ka-edad lang ng anak ko. Ang problema ay nararamdaman ko na umiibig na naman ako at halos kalahati ng edad ko ang lalaking iniibig ko. Gayunman, kapwa kami nagmamahalan at balak na niya akong pakasalan. Pero tutol ang mga anak ko at halos lahat ng mga kaibigan at kamag-anak ko ay ganundin at hindi sang-ayon na mag-asawa pa akong muli.
Isa pa, nagbanta ang mga anak ko na tuluyan na nila kong itatakwil bilang ina kapag nagpakasal ako sa lalaking napupusuan ko dahil masyadong bata at halos anak ko na. Nakakahiya raw sa aming mga kaanak at hindi sila naniniwala na mahal talaga ako ng lalaking ‘yun. Sinasabi nilang luluha lang ako at siguradong hindi magtatagal ay papalitan ako ng mas bata, sexy at mahusay sa kama. Bakit kaya ganu’n na lang kung manghusga ang mga tao?
Ano ang dapat kong gawin? Nakatakda na ang kasal namin, pero magulong-magulo ang isip ko at hindi malaman ang gagawin. Sana ay mabigyan n’yo ako ng nararapat na payo para sa kalutasan ng problema kong ito.
Gumagalang,
Donita ng Pasig
Sa iyo, Donita,
Nasa hustong edad ka na para magpasya sa sarili mo, kaya kung ano makapagpapasaya sa iyo, gawin mo. Huwag mong intindihin ang mga nakapaligid sa iyo na hindi nakauunawa sa iyong nararamdaman. Kailanman ay hindi nila maibibigay ang kaligayahan ng dalawang pusong nagmamahalan at wala silang karapatan na hadlangan ka sa nalalapit mong pag-aasawa. Maging ang mga anak mo ay walang karapatan kung ano ang gusto mong gawin sa kasalukuyan.
Nagampanan mo na ang iyong tungkulin bilang ina sa kanila at maayos mo silang napalaki. Nagsumikap ka para mabigyan sila ng magandang kinabukasan, kaya panahon na para hanapin mo naman ang sarili mong kaligayahan. Sundin mo tinitibok ng puso mo at pakasalan ang lalaking nagmamahal sa iyo at maghahatid sa iyo sa altar nang walang pasubali.
Gayundin, huwag mong pansinin ang sasabihin ng mga tumututol sa pag-iibigan n’yo. Humayo ka at harapin ang masagana, mapayapa at maligayang buhay sa piling ng lalaking pakakasalan mo. Natitiyak ko na sa pagdaan ng mga araw ay maliliwanagan din ang isip ng mga anak mo at ng iba pang tao na tumututol sa muli mong pag-aasawa. Ipanatag mo ang iyong isipan at magpasalamat sa Diyos dahil sa kabila ng edad mo ay mayroon pang lalaking inilaan sa iyo ang tadhana na handang pakasalan ka at samahan sa hirap at ginhawa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments