top of page
Search
BULGAR

Pambubugbog sa cameraman ng mga dumagsa sa resort, dapat ding aksiyunan

ni Ryan Sison - @Boses | May 12, 2021



Hindi pa rin humuhupa ang isyu ng pagbubukas ng isang resort sa Caloocan City sa kabila ng umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ), kung saan hindi bababa sa 100 katao ang dumagsa rito.


Marami ang nadismaya dahil sa anila’y kapabayaan ng may-ari at pagpapasaway ng mga dumagsa. Gayundin, maraming dedma na lang dahil ‘ika nga, sadyang pasaway ang mga Pinoy.


Kaugnay nito, viral din ang isang TV cameraman na umano’y binugbog ng tatlo katao na kabilang sa mga pumunta sa resort.


Base sa ulat, duguan ang mukha ng cameraman dahil sa tinamong sugat matapos pagtulungan ng tatlo katao. Kuwento ng biktima, hawak niya ang camera at kinukuhanan ng video ang maraming tao na pumunta sa resort. Nang makita niya ang isang jeep na puno ng pasahero, sinundan niya ito at doon na nangyari ang pananakit sa kanya.


Depensa ng isa sa mga suspek, dinunggol umano ng biktima ang camera sa kapatid nito, ngunit itinanggi ng cameraman ang alegasyon.


Sa totoo lang, nakadidismaya at nakakagalit dahil umabot sa puntong may nasaktan dahil sa pagpapasaway ng ilan nating kababayan. Anuman ang rason, hindi tama na manakit ng kapwa, lalo na kung ginagawa lamang nito ang kanyang tungkulin. Isa pa, kapag kayo ang may mali, maging responsable kayo.


Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, panagutin ang mga dapat managot sa nangyaring paglabag at pananakit sa cameraman. Dahil kung tutuusin, walang ganitong insidente kung sa umpisa pa lang ay wala nang nilabag na quarantine protocols.


Kung bukas-makalawa ay makikita n’yo sa balita ang inyong mga mukha, ‘yan ay dahil sa inyong kapabayaan at kabiguang sumunod sa mga umiiral na protocols.


Hindi nagkulang ang pamahalaan at mga awtoridad sa pagpapaalala ng mga dapat at hindi dapat gawin, pero dedma kayo. At ngayong umaaksiyon ang media, dadaanin n’yo sa pananakit tapos magdudulot pa ng perhuwisyo.


Hangad nating magsilbi itong paalala sa lahat na maging responsible tayo sa bawat ginagawa natin. Dahil kapag nagkasakit tayo dahil sa ating kapabayaan, walang ibang dapat sisihin kundi tayo rin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page