ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 22, 2022
Tila nagdudulot ng malaking kaguluhan ang ginawang pagbili ng Grab Philippines sa Move It nitong nakaraang Agosto dahil lumilikha na umano ito ng kaguluhan sa isinasagawang pilot study para sa Motorcycle taxi o MC Taxi.
Marami ang nanawagan na alisin na umano ang Grab Philippines dahil walang humpay na reklamo at katanungan mula sa mga motorcycle companies na tila nakararamdam ng hindi kaaya-ayang hakbangin mula sa Grab Philippines.
Sangkatutak na kuwestyon at isyu ang naglabasan dahil sa ginawang pagsanib-puwersa ng Grab Philippines sa Move It dahil may mga alegasyon na kaya lamang umano ginawa ang deal ay para magkaroon ng instant accreditation sa MC Taxi.
Kasama ang Move It sa tatlong motorcycle companies na pinayagang makilahok sa isinasagawang pilot study—kabilang ang Angkas at Joyride, ngunit hindi pa tapos ang naturang pilot study ay tila nagkakagulo na dahil sa pagpasok ng Grab Philippines.
Maituturing kasing paglabag ito sa panuntunan ng MC Taxi dahil kahit tahasang sinasabi ng Move It na sila lang naman ang kasama sa pilot study at hindi ang Grab Philippines, walang naniniwala na hindi ang Grab ang nagpapatakbo sa Move It.
Napakaraming isyu at usaping dapat iresolba ngunit isa itong pagpasok ng Grab Philippines ang hindi maayus-ayos, kaya may ilang mambabatas na isinusulong na suspendihin na ang partisipasyon ng Grab Philippines at Move It sa “Motorcycle o MC Taxi pilot study.
Noon pa man ay may mga tutol na sa pagsali ng Grab Philippines at pagbili nito sa Move It dahil masyado pa umanong maaga at hindi pa nga naman tapos ang isinasagawang pag-aaral para sa motorcycle taxis na lubhang kailangan.
Wala namang tumututol na magkaroon ng bagong players sa industriya ng motorcycle taxi, ngunit kailangan umano itong gawin kung mayroon nang panuntunan o batas na gagabay sa lahat upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’, lalo na ang mga mananakay.
May mga mambabatas din na binibigyang katwiran ang kabutihan kung tuluyan nang aalisin ang pinagsamang Grab at Move It sa pilot testing habang hindi pa napaplantsa ang santambak na reklamo ng mga stakeholders hinggil sa usapin ng acquisition.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kamakailan ay may mga nagsasabing dapat umanong ikonsidera ng technical working group na patawan ng parusa ang Grab at Move It dahil sa ginawa nilang paglabag na lumikha ng kaguluhan.
Lumalabas na tila nagkaroon ng lamangan nang bigla na lamang makapasok ang Grab na ayon sa ilang stakeholders ay hindi pareho ang diskarte, kaya marami ang nagrereklamo sa ginagawang pambabraso ng Grab Philippines.
Kitang-kita umano ang ginawang pagmonopolyo ng Grab Philippines at ngayon pa lamang ay nag-aalala na ang maliliit na players hinggil sa magiging epekto nito sa industriya ng motorcycle taxi.
Kahit ano'ng paliwanag ang gawin ng Move It hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ay alam naman ng lahat na Grab Philippines ang nagpapatakbo sa kanila at kung ano ang sabihin ng Grab ay susunod lamang ang Move It, kaya hindi natin maiaalis na mangamba ang ibang players sa motorcycle taxi industry dahil talagang ramdam ng ating mga ‘kagulong’ na binu-bully sila ng Grab Philippines.
Ang epekto nito, naaantala ang lahat at patuloy na dumarami ang mga colorum na habal-habal na ngayon ay lantaran nang nakatambay sa mga terminal o lugar na maraming pasahero at may mga barker pang sumisigaw para makakuha ng pasahero na mas mura pa ang pamasahe.
Kani-kanya ang sistema, basta may sariling motorsiklo ay puwedeng mamasada dahil napakarami pa ng butas na dapat tapalan hinggil sa panuntunan ng motorcycle taxi at ang talo dito ay ang mga mananakay sakaling magkaroon ng aksidente na sana ay huwag namang mangyari.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments