Filni Angela Fernando - Trainee @News | November 4, 2023
Kinondena ng pinuno ng United Nations na si Antonio Guterres ang ginawa ng pwersa ng Israel na pag-atake sa ambulansya ng Gaza na nasa labas ng ospital ng Al Shifa nu'ng Biyernes, Nobyembre 3.
Saad ni Guterres, dapat nang itigil ang nangyayaring karahasan sa dalawang bansa.
Pagbabahagi niya, labis niyang ikinatakot ang pagpapaulan ng bomba ng Israel sa mga ospital at suportang medikal sa Gaza.
Dagdag pa niya, nanghina siya sa mga imahe ng katawan ng mga inosenteng sibilyan na nagkalat sa daan.
Sinasabing namataan ang nagkalat na mga katawan sa labas ng ospital kung saan kasalukuyang tumutuloy ang mga residenteng apektado ng pambobomba.
Iginiit naman ng kalihim ng UN na labis ang epekto ng mga pag-atake sa mga sibilyan ng Gaza, lalo sa kababaihan at kabataan.
Marami sa mga naiipit ay pinagkaitan na ng karapatan, tulong, at maging binawian ng buhay.
Tinatayang 9,200 na ang namatay dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng Israel sa Gaza.
コメント