ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | August 18, 2021
Tuloy na tuloy pa rin ang laban ng People's Champ na si Manny Pacquiao sa August 21 (Aug. 22 dito sa 'Pinas) na magaganap sa T Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Hindi na si Errol Spence, Jr. ang sasagupain ni Pacman sa boxing ring kundi ang Cuban boxer at Olympic silver medalist na si Yordenis Ugas.
Nag-back-out kasi si Spence dahil sa kanyang eye injury na kailangang maoperahan agad.
Nag-aalala naman ang ilang netizens na nagmamalasakit kay Pacman. Baka raw hindi patas ang magiging laban nila ni Ugas. Baka hindi kabisado at hindi gaanong napag-aralan ng People's Champ ang diskarte at style ng kanyang makakalabang Cuban boxer.
Bagama't malakas pa rin ang kamao ni Pacman, hindi na siya kasingliksi tulad nu'ng bata-bata pa lamang siyang boksingero. Retiring age na sa mga boksingero ang edad 40. Naibuhos na niya ang kanyang lakas sa mga unang taon ng kanyang pakikipaglaban.
Nasa tabi pa rin ni Pacman si Freddie Roach na big factor kaya naipanalo niya ang kanyang mga laban. Kabisado ni Coach Roach ang mga galawan ni Yordenis Ugas bilang boksingero. Pinag- iingat niya si Pacman na iwasan ang right hand shot ni Ugas. Big puncher daw ang Cuban boxer kaya hindi dapat makumpiyansa si Pacquiao.
Naaalala ni Coach Roach noon ang labang Pacquiao-Marquez nu'ng 2012 kung saan na-knock-out si Pacman!
Well, karangalan pa rin ng ating bansa kung maipapanalo ni Pacquiao ang laban niya kay Ugas. Pero, sabi ng matatanda, sana naman ay hindi senyales ang pag-atras ni Errol Spence sa kanilang laban ni Pacman. Ipagdasal nating mga Pinoy na manalo pa rin ang ating Pambansang Kamao.
Ang Pacquiao-Ugas fight ay mapapanood sa GMA-7 sa August 22 in partnership with Tap Digital Video Ventures. Mapapakinggan din ito sa DZBB radio!
Comments