ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 11, 2020
Humakbang papalapit sa kanyang pangatlong korona ngayong taon ng COVID-19 si Pinoy Grandmaster Wesley So matapos magpakita ng pamatay na porma at makausad sa quarterfinals ng 2020 Elite Speed Chess Championships na ginaganap online.
Inilampaso ni So, 27, na tubong Cavite, si GM Nordibek Abdusattorov ng Uzbekistan sa iskor na 18.0-10.0 upang maging pang-apat na disipulo ng online chess na nakapasok sa final 8.
Sa unang limang laro, apat ang ipinanalo ni So habang naglalaro sa Minnesota, Pero hindi nagpabaya ang 16-anyos na Uzbek chess wonder ang 16-anyos na naging World Under-8 champion at nakakuha ng titulong GM nang 13-anyos pa lang siya. Dumikit ang iskor, 4-3, lamang pa rin si So. Sa puntong ito, inalpasan ni So ang pormang nagbigay sa kanya ng dalawang titulo ngayong 2020 at tuluyan nang umalagwa para selyuhan ang pangingibabaw sa serye.
Haharapin ni So sa quarterfinals kung sino ang magwawagi sa tunggalian nina 12th ranked at FIDE no. 2 GM Fabiano Caruana (USA) at 5th seed GM Jan Krzysztof Duda (Poland).
Dalawang beses nang naging runner-up sa torneo ang dating hari ng ahedres sa Pilipinas (2018 at 2019). Sa nakaraang dalawang taon din, si GM Hikaru Nakamura ang nagkampeon. Kasali ngayong 2020 para ipagtanggol ang titulo si Nakamura gayundin si GM Magnus Carlsen, ang kasalukuyang world chess king, na gustong maulit ang tagumpay noong 2017. Sina Nakamura at Carlsen ang umuokupa ng unang dalawang puwesto sa seedings.
Bagong patong sa ulo ni So ang korona ng prestihiyosong US Chess Championship. Kamakailan din, sa 2020 Saint Louis Rapid and Blitz Tournament, isang bakbakan sa larangan ng rapid chess at blitz chess, idineklara sila ni Norwegian GM Magnus Carlsen bilang co-champions matapos silang makaipon ng 24 puntos.
Galing din si So sa pamumuno sa Team USA sa isang podium finish sa likod ng co-winners na Russia at India nang magsara ang pinakaunang FIDE Online Chess Olympiad.
Comments