ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 17, 2022
Dahil sa pakikiisa, pagtitiwala at pagsuporta ng nakararami sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakaraang anim na taon, ramdam na natin ngayon ang bunga ng ating mga pinagsikapan. Ang mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat na dati ay pangarap lamang ay unti-unti nang nagkakatotoo.
Bagama’t naantala ang lubusang pag-angat ng ating buhay dahil sa pandemya at iba pang krisis na dumating nitong huling dalawang taon, nagpapasalamat pa rin tayo na patuloy nating naitatawid ang ating mga kababayan tungo sa muling pagbangon. At kahit ilang araw na lang ang nalalabi sa termino ng Pangulo ay patuloy pa rin tayo sa walang kapagurang pagtatrabaho at tuloy pa rin ang mga ipinangako nating reporma at pagbabago para sa sambayanang Pilipino.
‘Yan kasi ang tatak ng ating Pangulo. Tapat siya sa kanyang mga salita. Tinupad niya at patuloy na isinasakatuparan ang mga ipinangako niya. Mayroon siyang prinsipyo at isang salita na naging magandang ehemplo sa kanyang kapwa lingkod bayan.
Nitong nakalipas na linggo lamang, nasilayan lalo na ang magagandang nagawa ng administrasyong Duterte para sa ating bansa.
Noong Hunyo 12, ipinagdiwang ang ating ika-124 na Araw ng Kalayaan. Matapos ang seremonya sa Luneta ay magkasama naming sinaksihan ang pagbaba ng unang Tunnel Boring Machine (TBM), train demonstration at pag-unveil ng Philippine Railways Institute (PRI) Interim Simulator Training Center ng Metro Manila Subway Project (MMSP) sa MMSP Depot, Bgy. Ugong, Valenzuela City.
Ang Metro Manila Subway, na dati ay pangarap lamang at naantala ang plano ng ilang dekada ay sinimulan na ngayon sa panahon ni Tatay Digong. Isa lamang ito sa napakaraming infrastructure projects na nasimulan, kasalukuyang iniimplementa o natapos na sa loob ng kanyang termino.
Sinaksihan din namin ang “naming and commissioning ceremony” ng BRP Melchora Aquino ng Philippine Coast Guard sa Pier 15, South Harbor, Port Area, Manila.
Makatutulong ang bagong barko upang mas lalong mapagbuti ng PCG ang pagbabantay sa ating mga karagatan at sa pagresponde kapag may mga kalamidad.
Noong Hunyo 14 naman ay nagsagawa kami ng inspeksyon sa National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac. Naitayo ang NAS sa pamamagitan ng Republic Act No. 11470 na ako ang isa sa mga naging author at co-sponsor sa Senado. Dito hinuhubog ang ating mga kabataang atleta na isasabak natin sa mga pandaigdigang kompetisyon sa larangan ng palakasan.
Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, natutuwa tayo na puwede nang sabay na mag-aral at mag-ensayo ang kabataang atleta sa isang gusali na maituturing na world-class at maipagmamalaki nating lahat. Isa ito sa mga regalo natin sa susunod na henerasyon at patunay na sa panahon ni Pangulong Duterte, ibinigay natin ang lahat ng suporta sa ating mga ipinagmamalaking atleta. Bukod pa riyan, ngayong araw na ito ay dadalo kami ni Pangulong Duterte sa groundbreaking ceremony ng Philippine Sports Training Center sa Bagac, Bataan.
Sa ating kapasidad naman bilang senador at Chair ng Senate Committee on Health, noong Hunyo 10 ay sinaksihan natin ang groundbreaking ceremony ng Bagumbayan Super Health Center sa Bgy. Poblacion, Bagumbayan, Sultan Kudarat. Ang pagtatayo ng Super Health Center ang isa sa mga nakikita nating solusyon para epektibong makapaghatid ang gobyerno sa mga Pilipino ng maayos na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa malalayong komunidad. Ang mga may sakit ay hindi na kailangang magpunta sa malalaking ospital sa kabayanan dahil magkakaroon na ng Super Health Center sa kanilang lugar.
Nagsagawa rin ako ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City noong Hunyo 15 upang siguraduhin na maayos ang takbo nito at mas maraming pasyente ang matutulungan. Namigay din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners sa nasabing ospital. Nakikiusap tayo sa susunod na administrasyon, kung sa tingin n’yo ay nakatutulong sa ating mga kababayan, ipagpatuloy n’yo sana ang programa, dahil sandalan ito ng mahihirap, lalo na sa panahong may krisis pangkalusugan.
Samantala, patuloy ang ating tanggapan sa pagkakaloob ng tulong sa mga kababayan natin na ang kabuhayan ay apektado pa rin ng pandemya at iba’t ibang krisis.
Kasabay ng ating monitoring visit sa Tarlac Provincial Hospital, personal na namahagi ng tulong sa 3,000 na residente ng Tarlac City ang inyong lingkod. Samantala, ipinagpatuloy naman kahapon at ngayon ng ating tanggapan ang pamamahagi ng suportang pangkabuhayan sa 6,000 pang benepisaryo.
Sa Moalboal, Cebu, nabigyan natin ng ayuda ang 1,875 mahihirap na residente; samantalang 1,666 naman sa Santander, Cebu. Sa Leyte, pinuntahan natin para pasayahin at bigyan ng ngiti sa kanilang mga labi ang 154 benepisaryo mula sa Villaba; at 56 pa sa bayan ng Leyte.
Patuloy pa rin ang pagsasagawa natin ng serye ng relief effort para sa mga Samaleños at muli tayong nagbalik sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte para ayudahan ang mga solo parents, mangingisda, senior citizens at iba pang sektor gaya ng 500 benepisaryo mula sa Bgy. Kanaan; 500 din sa Bgy. Tagbaobo; at 359 pa mula sa Bgy. Anonang.
Namigay din tayo ng tulong sa 2,500 natin kababayan sa Davao City mula sa iba’t ibang barangay habang patuloy ang pag-aabot ng tulong ng ating opisina sa libu-libong benepisaryo sa Zamboanga City.
Lahat ng ating pinaghirapan sa loob ng anim na taon ay hindi lamang para sa ikabubuti natin ngayon kundi para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng susunod pang henerasyon. Ang isa sa ating pinakaimportanteng maiiwan pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte ay ang pagkakaroon ng katahimikan bunga ng kanyang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, napatunayan natin na kung may pagkakaisa, uunlad ang bayan at gaganda ang kalagayan ng mamamayan.
Ipagpatuloy natin ang mga pamana ni Tatay Digong upang maisakatuparan pa lalo ang ligtas at komportableng buhay para sa lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários