top of page
Search
BULGAR

Pamamaraan ng pagbawi ng huling habilin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 4, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Maaari bang mapawalang-bisa ang isang huling habilin ng tao na gumawa nito habang siya ay nabubuhay pa? Mayroon kasing huling habilin ang tiyuhin ko, ngunit bago siya mamatay ay binawi niya ang nilalaman nito at sinunog ito bunsod ng matinding galit niya sa isa niyang anak. Ngayon, ang manugang ng tiyuhin ko, na asawa ng anak na kinagalitan niya, ay iginigiit na kanila na diumano ang lupa na ibinigay batay sa huling habilin na sinunog na ng tiyuhin ko. Tama ba siya? Hindi ba nawalan na ng bisa ang nasabing huling habilin nang sunugin ito ng tiyuhin ko? Sana ay malinawan ninyo ako. — Willie



 

Dear Willie,


Sa pamamagitan ng huling habilin, pinahihintulutan ang isang tao na pamahalaan ang paghahabilin, habang siya ay nabubuhay pa, ng mga ari-arian na kanyang pagmamay-ari at maiiwan sa oras na siya ay pumanaw. (Artikulo 783, New Civil Code of the Philippines)


Subalit nais naming bigyang-diin na ang balidong huling habilin ay maaaring bawiin, ipawalang-saysay o ipawalang-bisa ng testator o ng taong naghahabilin habang siya ay nabubuhay pa, alinsunod sa Artikulo 828 ng New Civil Code:


“Art. 828. A will may be revoked by the testator at any time before his death. Any waiver or restriction of this right is void.”


Ang mga pamamaraan ng pagbawi o pagpapawalang-bisa ng isang huling habilin ay nakasaad sa Artikulo 830 ng nasabing batas:


“Art. 830. No will shall be revoked except in the following cases:

  1. By implication of law; or

  2. By some will, codicil, or other writing executed as provided in case of wills; or

  3. By burning, tearing, cancelling, or obliterating the will with the intention of revoking it, by the testator himself, or by some other person in his presence, and by his express direction. If burned, torn, cancelled, or obliterated by some other person, without the express direction of the testator, the will may still be established, and the estate distributed in accordance therewith, if its contents, and due execution, and the fact of its unauthorized destruction, cancellation, or obliteration are established according to the Rules of Court.” 


Sa sitwasyon na nabanggit mo, masasabi na balido ang pagbawi at pagpapawalang-bisa na ginawa ng iyong tiyuhin sa huling habilin na kanya nang nagawa kung mapapatunayan ng mga nakasaksi sa pagsunog nito, o ng iyong tiyuhin mismo kung siya ay nabubuhay pa, na sadyang intensyon niya na ipawalang-saysay na ang nilalaman nito. Kung ito ay sapat na mapatunayan, masasabi na mali ang posisyon ng manugang ng tiyuhin mo sa paggiit na kanila na ang inaangkin na lupa batay sa nasabing huling habilin.


Ganunpaman, nais naming ipabatid na maaari pa ring magmana ang anak ng iyong tiyuhin alinsunod sa probisyon ng ating Batas Sibil kaugnay sa intestate succession sapagkat ang isa sa mga paraan na nagaganap ang intestate succession ay kung walang huling habilin, walang-bisa ang huling habilin, o napawalang-bisa ang huling habilin na nagawa na (Artikulo 960 (1) at 961, Id), maliban na lamang kung ang naturang anak ay na-disinherit sa bisa ng iba pa o sumunod na huling habilin alinsunod sa mga tuntuning nakasaad sa Section 6, Chapter 2, Title IV ng ating New Civil Code.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page