ni Ryan Sison - @Boses | August 05, 2021
Matapos tiyakin ng Palasyo na makapagbibigay ng tulong-pinansiyal ang pamahalaan sa mga indibidwal na apektado ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ), sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na posible nang simulang ipamahagi sa Biyernes ang ayuda.
Ito ay matapos ilagay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa pinakamahigpit na lockdown o ECQ ang National Capital Region (NCR) mula Agosto 6 hanggang 20.
Ayon kay Año, P11.2 bilyon ang nakalaan para sa financial aid ng 10.7 milyon katao sa NCR, na tatanggap ng tig-P1,000. Dagdag pa ng kalihim, mahalagang maipamahagi sa lalong madaling panahon ang ayudang ito sa mga benepisaryo na dedepende sa ilalabas na listahan ng lokal na pamahalaan.
Gayundin, nakasalalay umano sa LGUs ang diskarte kung sa paano ipamamahagi ang ayuda tulad ng pagtatakda ng distribution points, house-to-house o money remittance centers.
Kung kakayanin nang maipamigay ang ayuda sa linggong ito, good news ito para sa benepisaryo.
Hindi biro ang dalawang linggong walang hanapbuhay para sa mga ordinaryong pamilya, kaya hindi na dapat patagalin pa ang distribusyon.
Tutal hindi naman na ito ang unang pagkakataon para mamahagi ng ayuda ang mga lokal na pamahalaan, hangad nating magkaroon ng maayos na sistema. Isa pa, sana lahat ng dapat makatanggap ay may matanggap.
‘Ika nga, sa pagkakataong ito, dapat mas handa at may kaalaman na tayo sa mga hakbang na ating ginagawa para sa ating mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments