top of page
Search
BULGAR

Palyadong pampublikong sasakyan, ipahinga na para ‘di makadisgrasya

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Enero 24, 2024


Kalunos-lunos ang aksidente sa Nagcarlan, Laguna, noong Biyernes nang mawalan ng preno ang isang pampasaherong jeepney na ikinasawi ng 2 taong gulang na babae at 45-anyos na lalaki na kapwa residente ng Barangay Poblacion 2 ng nasabing lugar.


Gayundin, sugatan ang may 15 katao. 


Binangga rin ng naturang jeepney ang isang tricycle, e-bike, sports utility vehicle o SUV, owner-type jeep, dalawang motorsiklo at isang establisimyento.


Isang ordinaryong araw sana ang Biyernes na iyon para sa mga namatay at kanilang pamilya ngunit naging araw ng pagdadalamhati at pighati. Napakasakit mawalan ng mahal sa buhay lalo na kung dahil ito sa isang trahedyang sanhi ng kapabayaan at kawalan ng pag-iingat tulad ng naganap sa Nagcarlan. 


Nakarating na ako sa lugar na iyan may ilang taon na ang nakalipas, noong dumalaw ako sa pamilya ng isang kaibigan, at bumalik sa aking gunita ang kapayapaan ng lugar, na binasag ngayon ng nasabing aksidente. 


Nakakagalit na ang isang pampasaherong jeepney ay hindi man lamang nakuhang tingnan kung may preno pa, na mararamdaman naman kung ito ay pumapalya na. 


Nakakapuyos na naikompromiso ang buhay ng mga lulan at mga nadaanang residente, gayundin ang mga sasakyang niragasa at sinalpok na parang mga latang walang kabuluhan. Isa na naman itong malagim na aksidenteng maaaring naiwasan.


Bagama’t nakakulong na ang drayber at sasampahan na ng kaso na posibleng reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries, hindi rito dapat matapos ang paghahanap ng hustisya. 


Wala na dapat pampasaherong sasakyan ang makakabiyahe na may problema at aberya, na maglalagay sa peligro ng buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan. 


Sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP, aba’y dapat wala na ngang magbubuwis ng buhay dahil sa bulok na sasakyang kamukat-mukat ay wala na palang preno at hindi man lang namimintina ng operator. 


Pero kahit wala pa man ang PUVMP, hindi pa rin sana nagaganap ang ganitong mga trahedya kung mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ang mga requirement sa pagpaparehistro ng sasakyan, at hindi na tuluyang hinayaang maiparehistro at maipasada ang sobrang luma na at hindi na uubrang mga pampublikong transportasyon. 


Ang kabuuang sistema ng public transport sa Pilipinas ay isang malaking hamon na dapat mabusising ayusin ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensya sa ilalim nito. Walang dapat santuhin para ito ay ganap na maisaayos. 


Hindi lang ang ating mga kababayan, maging ang mga turistang dumarayo rito ay nangangamba sa pagsakay sa mga lumang behikulo na kailangan ng ilang pihit sa manibela bago kumabig. Nakakaawa ang isang bansang tulad natin na ang sistema ng transportasyon ay hindi nagbibigay ng kaalwanan para sa mga komyuter kundi dusa at panganib. 


Kailanman, hindi dapat masakripisyo ang kaligtasan ng mga ordinaryong mananakay at bumabagtas sa mga lansangan. Ang kapakanan ng mga komyuter ang dapat unahin sa kasalukuyang masalimuot na usapin ng transportasyon. 


Nawa, ang ating pangarap na tunay na modernisadong pampublikong transportasyon na isinaalang-alang ang lahat ng apektadong sektor ay hindi lamang manatiling pangarap kundi isang katuparan.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page