ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 22, 2023
SANA ALL NG KONGRESISTA, TULAD NG 3 TULFO AT 2 YAP -- Nagsanib-puwersa sina ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, Edvic Yap, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo sa pagsusulong ng panukalang batas na P1K monthly maintenance sa lahat ng senior citizens.
Sana all ng mga kongresista ay tulad ng tatlong Tulfo na ito at dalawang Yap na kapakanan at makabubuti sa mamamayan ang iniisip, kasi ang ibang cong. ay mga “nganga” lang sa Kamara, period!
◘◘◘
PALUSOT NI CONG. CASTRO NA-MISQUOTE LANG DAW SIYA NG MEDIA PATUNGKOL SA IMPEACMENT VS. VP SARA -- Matapos pabulaanan ni House Majority Leader, Zamboanga City Rep. Manuel Dalipe ang sinabi ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro na naghahanda na ang Kamara ng impeachment case laban kay Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio, na ayon kay Cong. Dalipe ay fake news daw dahil wala raw napag-uusapang impeachment kay VP Sara sa Kamara, naglaban-bawi si Cong. Castro sa kanyang sinabing impeachment sa bise presidente.
Ang palusot ni Cong. Castro sa kanyang “minarites” na impeachment vs. VP Sara ay na-misquote lang daw siya ng media dahil ang sabi raw niya ay premature ang impeachment at hindi raw niya sinabing ii-impeach na ang bise presidente, boom!
◘◘◘
KAPAG ANG IMPEACHMENT, TINANGGAP NG PINSAN (SPEAKER ROMUALDEZ) NI P-BBM SA KAMARA, SASABIHAN NG MGA DDS ANG PRESIDENTE NA ‘LIAR’ -- Sabi ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ay ayaw daw niyang ma-impeach si VP Sara dahil hindi raw nito deserve na ma-impeach, na ika nga, “no way” para sa Presidente na ma-impeach ang bise presidente.
Sana, panindigan ni P-BBM ang sinabi niyang ‘yan kasi kapag may nagsampa ng impeachment case kay VP Sara at tinanggap ito ng Kamara sa pamumuno ng pinsan niyang si Speaker Martin Romualdez ay tiyak puputaktihin siya ng batikos ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS), at malamang sabihan siyang “liar”, period!
◘◘◘
AKALA NG PUBLIKO P20 PER KILO NG BIGAS IBIBIDA NG DA, IYON PALA P41-48 PER KILO NG BIGAS -- Ibinida ng Dept. of Agriculture (DA) na next month (December) daw ay magiging P41 hanggang P48 na ang per kilo ng bigas sa ‘Pinas.
Akala ng publiko, ang ibibida ng DA ay magiging P20 na per kilo ng bigas next month, iyon pala mataas na presyo ng bigas pa rin.
Dahil sa ibinidang ‘yan ng DA ay wala na talagang pag-asang matupad pa ang campaign promise ni P-BBM na P20 per kilo ng bigas, tsk!
Comments