ni Mylene Alfonso @News | Feb. 24, 2025
File Photo: Vince Dizon at RFID Toll - RTVM, Circulated
Pinuri si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa desisyong suspendihin ang full cashless payment system sa mga expressway.
Ayon sa CLICK Partylist (Computer Literacy Innovation Connectivity and Knowledge), matagal na nilang tinututulan ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang hindi gumagamit ng RFID, dahil ito'y pabigat sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga umaasa sa cash payments para sa transportasyon.
Matatandaang binigyang-diin ni Dizon na ang nasabing mandato ay nagpapahirap sa publiko, dahilan upang ipatigil muna habang inaayos ang sistema.
Nauna nang inihayag ng grupo ang mga problema sa RFID implementation, kabilang ang palyadong RFID tags, sirang barriers, at hindi maasahang top-up systems, na nagdulot ng matinding trapiko at hindi makatarungang multa. "Suportado namin ang modernisasyon ng toll collection, ngunit dapat itong ipatupad nang maayos at hindi makakasama sa mga motorista. Ang desisyon ni Secretary Dizon ay isang hakbang sa tamang direksyon," ayon kay Atty. Nicasio A. Conti.
Patuloy umanong ipaglalaban ng grupo ang patas at epektibong transport policies upang matiyak na ang anumang modernisasyon ay hindi magiging pabigat sa mga motorista.
留言