ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 1, 2022
Ang circumcision o pagpapatuli ay itinuturing na mahalagang pangyayari sa buhay ng mga bata at kabataang lalaki sa bansa. Madalas itong isinasagawa tuwing summer vacation upang magkaroon ng mahaba-habang panahon sa pagpapahilom ng sugat na tinatamo sa nasabing surgical procedure. May mga medical mission na nagtataguyod nito. Maaaring mabuti ang intensyon ng mga nagsusulong nito, ngunit kasabay ng kanilang kagandahang loob, nararapat silang may sapat na kakayahan at kahandaang harapin ang lahat ng maaaring maging kahinatnan o kumplikasyon sa mga nagpasailalim dito. Kamakailan, naging laman ng mga balita ang itinuturing na simpleng surgical procedure dahil hindi umano ito naisagawa nang tama. At sa kasamaang-palad, isang binatilyo ang naging biktima at nakitlan ng buhay. Siya ay si Angelo Alvarez Tolentino, 13, namatay noong Marso 22, 2022.
Ang mga sumusunod na impormasyon na may kaugnayan sa mga nangyari kay Angelo bago at hanggang siya ay bawian ng buhay ay hango sa Judicial Affidavit na may petsang Marso 25, 2022 na isinagawa ni Aling Ana Alvarez Francisco ng Lucena City, ina ng yumao, noong Marso 19, 2022, nagpatuli si Angelo sa isang medical mission na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Pagkaraan ng isang oras, lumabas siya ng lugar kung saan siya tinuli at pagdating sa bahay ng kapatid ng kanyang nanay, pinaupo siya upang magpahinga. Pagtayo ni Angelo, tumatagos ang dugo sa shorts niya. Bandang alas-7:00 ng gabi, habang kumakain ng hapunan si Angelo at kanyang pamilya, hindi siya makakain at dumadaing siya na masakit ang ulo. Dahil dito, pinainom siya ng kanyang nanay ng Amoxicillin na ibinigay sa medical mission sa pag-aakala na normal lang ‘yun sa isang tinuli, ngunit nagsuka siya.
Bagama’t nakatulog si Angelo, kinabukasan (Marso 20, 2022), hinang-hina siya at hindi na makatayo, punumpuno ng dugo ang kanyang higaan mula sa kanyang ari. Nakahiga lang siya maghapon at sinusubuan lamang siya ni Aling Ana. Palaging idinadaing ni Angelo sa kanyang ina na masakit ang kanyang ulo at hindi niya kayang kumain o bumangon at buong araw ay suka siya nang suka. Sa mga pangyayaring ito, may ipinagtaka si Aling Ana, “Aking ipinagtataka na sakit ng ulo ang parati niyang idinadaing, ngunit kailanman ay hindi niya idinaing na masakit ang kanyang ari.”
Noong Marso 21, 2022, nagdesisyon ang pamilya ni Angelo na dalhin siya sa isang ospital sa Lucena City, alas-7:00 ng umaga dahil maputla na siya at hindi nakakakain ng kahit ano. Ayon kay Aling Ana, pagdating sa nasabing ospital, tiningnan sa emergency room ang kanyang ari at ang sabi ng nurse ay laktaw-laktaw ang tahi. Maaari rin umanong may nadaling ugat o litid nang makita nila ang pinanggagalingan ng pagdurugo. Dagdag pa ni Aling Ana, “Tuluy-tuloy pa rin ang pagdurugo at inayos nila ang pagkakatahi sa tinuling ari ng aking anak.” Kinagabihan sa nasabing ospital, hindi mapakali si Angelo at walang ginawa kundi bumalikwas nang bumalikwas sa higaan na para bang nawawala sa wisyo at parang hindi niya kilala ang kausap niya, at pati si Aling Ana ay hindi na rin niya makilala.
Bandang alas-3:40 ng madaling-araw ng Marso 22, 2022, tumambad kay Aling Ana ang pangyayaring hindi na mabubura sa kanyang alaala at mag-iiwan ng malalim na sugat sa kanyang puso. Aniya, “Natagpuan ko ang aking anak na nakadilat, ngunit hindi kumukurap at may bula ang bibig, kaya agad kong ipinaalam sa nurse upang humingi ng tulong. Agad namang dumating ang nurse at doktor at nag-pump sa dibdib niya at tinurukan ito ng pampatibok ng puso. Patuloy ang pagbomba ng para sa hininga, ngunit hindi na kinaya ng anak ko at iniwan niya na ako, alas-5:35 ng madaling-araw.”
Sa Death Certificate ni Angelo ay certified ni Dra. Karen Lyda Therese Tagle MD., Medical Officer III, Quezon Medical Center, Lucena City na ang dahilan ng kamatayan ni Angelo ay: Immediate Cause - Hypoxic Ischemic Encephalopathy; Underlying Cause - Severe Anemia Secondary to Post Circumcision Bleed R/O Aspiration.
Ang kasong ito ni Angelo ay idinulog ni Aling Ana sa Public Attorney’s Office (PAO), at sa PAO Forensic Laboratory Division (PAO FLD). Malinaw ang hiling ni Aling Ana, “Sana ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko at mapanagot ang taong may kagagawan nito. Masakit mawalan ng anak dahil lang sa isang maling pagtutuli.” Ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys at forensic doctors ay agad na tumalima sa inilapit sa amin nina Ate Annie Gabito, ang coordinator ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ni Aling Ana. Naisagawa na ng PAO FLD ang forensic examination sa mga labi ni Angelo, at patuloy ang aming pag-iimbestiga sa kaso ng kapabayaan sa katawan at buhay ni Angelo.
Opmerkingen