ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 21, 2020
Matapos ulanin ng kaliwa't kanang reklamo ng mga motorista, tila atras-abante ngayon ang implementasyon ng RFID (Radio Frequency Identification).
Sa ganang akin, malaki talaga ang naging kakulangan kaya pumalpak ang pagsasagawa ng tinatawag na cashless payment sa mga expressway.
Sa halip na makatulong ang sistemang ito para makaiwas na mahawa sa COVID-19 dahil sa pag-alis ng palitan ng pera, nagdagdag lang ito ng problema para magsikip ang daloy ng trapiko sa NLEX at SLEX.
Dulot ng hindi mahulugang karayom na pila ng mga sasakyan sa mga toll gates para magpakabit ng RFID, hindi lang biyahe o mga appointment ang naabala, kundi apektado ang mismong ekonomiya.
Nakakaimbyerna talaga dahil kung tutuusin, hindi pa nakakabawi sa mga lockdown ang mga naantalang supply mula sa mga probinsiya pa-Maynila, at vice-versa. Malaki talaga ang naging perwisyo ng RFID na 'yan, mabuti na lang at binusisi sa Senado.
Aminin man o hindi, kitang-kita ang pagkukulang ng mga ahensiya at kumpanyang siyang inatasang magpatupad ng sistemang yan sa mga tollways. Nand'yan ang kawalan ng dry-run, tapos tatlong buwan lang ang inilaan para sa deadline na tila minadali nang husto. Sinabayan pa ng banta na pagmumultahin at huhulihin ang 'di makakakuha ng RFID sa itinakdang panahon. Talagang super palpak!
At dahil sa kaka-pressure nga natin sampu ng ating kasamahang mga mambabatas, mabuti na lang at ibinalik ang ilang toll booths na tumatanggap ng cash. Hay naku!
Pero may IMEEsolusyon naman yan. Hindi pa hopeless ang purong cashless payments gamit ang RFID. Ayusin ulit ng Toll Regulatory Board (TRB) ang sistema. Muling makipag-usap sa Metro Pacific Tollways Corp. at San Miguel Corp para balansehin muna ang cash at RFID toll gates.
Harinawa, bago magpalit ng taon, naisaayos na ang ating mga tollways. At lalong mabuti kung interconnected na lahat para sa convenience ng publiko. TRB, plis lang, 'wag nang hintayin na magalit ulit si Pangulong Rodrigo Duterte. Gora na!
Comments