top of page
Search
BULGAR

Palpak na ‘doble-plaka’ dapat nang ibasura

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 25, 2023



Kung inyong matatandaan, ang Land Transportation Office (LTO) ang kauna-unahang naglabas ng Implementing Rules and Regulations para sa Republic Act 11235 na mas kilala sa tawag na Motorcycle Crime Prevention Act.


Noong Marso 28, 2019, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11235 kabilang ang ilang probisyon, requirements at napakataas na multa na talagang kataka-taka kung paano ito nakalusot na maging isang ganap na batas.


Maraming nanlumo sa ating mga ‘kagulong’ dahil sa matinding diskriminasyong kanilang naramdaman sa batas na ito, na bukod sa napakamahal ng multa ay marami talaga ang tutol sa ‘doble-plaka’.


Mabuti at may isang Sen. Joseph Victor ‘JV’ Ejercito na nagsumite ng isang panukalang-batas na naglalayong amyendahan ang RA 11235 na kilala rin sa tawag na ‘Doble-Plaka’ law dahil bilang tulad nating nagmomotorsiklo ay naiintindihan niya ang hinaing ng ating mga ‘kagulong’.


Hindi ko naman sinisisi ang mga mambabatas na nagsumite at bumalangkas hanggang sa maging ganap na batas ang RA 11235 dahil ang layunin lang naman nila ay maisaayos ang kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ sa inaakala nilang tama dahil hindi naman sila nagmamaneho ng motorsiklo.


Pero maging si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na isa ring mahilig magmotorsiklo at may malaking grupo ng mga nagmomotrsiklo ay tutol din sa RA 11235 at matagal na niyang pinaninindigan ang pagtutol sa pagpapatupad sa doble-plaka.


Ang mga katulad nina Sen. JV at Sen. Revilla na kapwa nagmamay-ari ng iba’t ibang klase ng motorsiklo ay parehong may karapatang magsalita hinggil sa hindi magandang epekto ng doble-plaka dahil higit sa lahat ay nararanasan nila ang magmaneho ng dalawang gulong sa kalye.


Noong nakaraang Miyerkules, isa ang 1-Rider Partylist na naimbitahan sa pagdinig sa Senado sa ilalim ng Committee on Justice and Human Rights at bilang unang Representante ay dumalo tayo at dinatnan natin ang iba pa nating ‘kagulong’ upang himayin nga ang isinumiteng Senate Bill 159 na naglalayong amyendahan na ang RA 11235.


Ang inaasahan kong pagdinig na layong magkakaroon ng paliwanagan ay nauwi sa puro hinaing ng ating mga ‘kagulong’ na nagsidalo. Wala man lamang akong nakita o narinig na pumapabor sa RA 11235 at ang termino pa na kanilang ginagamit ay ‘palpak’ at ‘hindi patas na batas’.


Hindi lang bilang isang mambabatas kundi bilang isang abogado rin, hindi talaga makatarungan ang mga multang ipinapataw sa mga lumalabag sa RA 11235 dahil mahigit pa sa sampung beses ang taas ng multa para sa nakamotorsiklo kumpara sa mga naka four-wheeled vehicle na nagkaroon din ng violation.


Sa bahaging ito pa lamang ay kitang-kita na ang diskriminasyon at luging-lugi ang ating mga ‘kagulong’ at halata na wala talagang kalam-alam sa pagmomotorsiklo ang mga nasa likod ng bumuo ng RA 1235.


Hindi ko maisip kung bakit ang sinisingil na multa sa ating mga ‘kagulong’ na nagkaroon ng violation ay halos umabot sa P50,000 hanggang P100,000 na kung tutuusin ay mas mahal pa sa halaga ng minamanehong motorsiklo ng karamihan sa atin.


Bukod sa napakamahal, delikado pa ang doble-plaka dahil halos lahat ng ating ‘kagulong’ na dumalo sa pagdinig sa Senado ay iisa ang sinasabi na posibleng makalas ang plaka sa unahang ng motorsiklo at liparin sa lakas ng hangin.


Kung medyo grabe ang kamalasan ng nagmamaneho ng motorsiklo, posibleng sa mukha niya mismo tumama ang plaka o kasunod na tao. Matagal na itong ipinapanawagan ng ating mga ‘kagulong’ na huwag nang ituloy pero hindi sila pinakinggan.


Hindi natapos ang ginanap na pagdinig sa Senado dahil sa kakulangan ng oras at muli ay kasama ang inyong lingkod bilang resource person sa mga susunod na pagdinig at makaaasa ang ating mga ‘kagulong’ na gagawin natin ang lahat para makatulong at tuluyang mawala na ang doble-plaka.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page