ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 10, 2023
KATANUNGAN
May maganda naman akong trabaho ngayon bilang kontratista ng aluminum at glass supply sa mga bahay, opisina at tindahan. Maganda naman ang kinikita ko, kaya lang, nang minsang napansin ko ang aking Fate Line, nagulat ako dahil parang huminto ito.
Gusto kong itanong sa inyo ang kahulugan ng aking Fate Line, na sinasabi n’yo ring Career Line. Maestro, ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line ay biglang huminto sa kalagitnaan ng palad nang ito ay lumagpas sa Head Line at hindi na nagpatuloy?
KASAGUTAN
Sa sandaling huminto ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad matapos itong lumagpas sa Head Line (H-H arrow a.), ito ay babala na maaaring sa rurok ng iyong career o propesyon, bigla kang mawawalan ng trabaho o ikabubuhay.
Kapag hindi na ito muling nagpatuloy (arrow b.), ibig sabihin, habang ikaw ay tumatanda, wala ka na ring magiging regular o permanenteng hanapbuhay. Ngunit kung ang nasabing Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) na matapos huminto ay nagpatuloy, tiyak na kahit mawalan ka ng trabaho, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, muli kang magkakaroon ng matatag at magandang hanapbuhay.
Sa kaso mo, Albert, ayon sa kaliwa at kanan mong palad, hindi na nagpatuloy ang nasabing Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), kung saan ito ay malinaw na tanda na sa sandaling nawalan ka ng trabaho, hindi ka na muli pang magkakaroon ng regular na hanapbuhay. Sa halip, posibleng ang maging trabaho mo ay pa-sideline-sideline o pa-extra-extra na lang.
MGA DAPAT GAWIN
Kung ganyan ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ng isang indibidwal, kung saan matapos gumanda ang guhit ay huminto rin (arrow b.) at hindi na nagpatuloy pa, walang dapat gawin ang indibidwal na may ganitong guhit ng palad kundi ang mag-ipon para sa kanyang future habang maganda at masagana pa ang kanyang trabaho.
Sapagkat darating ang panahon na ang dating masagana at maunlad na hanapbuhay ay dagli ring maglalaho at mawawala. Kaya wala kang dapat gawin ngayon, Albert, kundi ang mag-ipon para sa kinabukasan ng iyong pamilya habang malakas pa ang iyong kinikita sa kasalukuyan mong trabaho.
Sa ganyang paraan, tiyak na kahit mawalan ka ng regular na hanapbuhay sa susunod pang mga taon, walang pagsalang, hindi naman lumabas na magiging kaawa-awa at kahabag-habag ang iyong kalagayan, gayundin ang buhay ng iyong pamilya dahil tulad ng nasabi na, ngayon palang ay napaghandaan mo na ang panahong mawawalan ka ng hanapbuhay.
Comments